“Lubos and pagdadalamhati ng langit para sa akin, na ito’y sumasabay sa aking pagluha.” Narinig ko na bulong mo sa iyong sarili, habang nakadungaw sa bintana at nakatitig sa mga patak ng ulan. Nangingintab ang iyong mga mata.
Malalim ang iyong tingin, na tila ba’y binibilang mo ang bawat butil na nahuhulog, kung sapat ba ang mga iyon upang matumbasan ang sakit sa iyong puso.
“Bakit mo pa kasi ipinagpipilitan ang iyong sarili sa kanya, kaibigan? Marami pang iba na sa iyo’y nagmamalasakit.” Ani ko, sabay tingin din sa kawalan na iyong tinititigan.
“Bakit nga ba? Marahil ay sadyang malalim lamang talaga ang aking pagtingin sa kanya. Marahil siya ay ang aking langit, na kahit ilang buwan ang tumagal ng pagtagumay ng kanyang kadiliman, mas aabangan ko parin ang liwanag at mainit na sikat ng kanyang araw, kahit hindi ito nakalaan para sa akin.”
Napahinga ka nang malalim, marahil pati mismo ang iyong sarili ay hindi makapaniwala sa mga salitang iyong sinasabi.
“Tama ang magmahal, kaibigan, ngunit ano ang pagmamahal kung iyong halaga ay hindi mo mapahalagahan?” Bulong ko, sapagkat ito’y mga salitang akin ding muli’t-muling sinasabi sa sarili.
“Pareho kayong bulag, kaibigan. Hindi niya makita ng iyong halaga, habang ikaw ay nabubulag dahil sa pagkahumaling mo sa kaniya.” Sabi ko sa iyo bago ako tumalikod at tuluyang humakbang papalayo.
“Marahil ay tama ka.” Narinig ko ang mga salita, kasabay ang pagpigil ng hikbi.
“Marahil ay kailangan ko muna magpakabulag, para sa panahon na aking mapagtanto ang aking mga kamalian ay mas marami akong matutunan.” Marahan mong sabi, habang may malungkot na ngiti sa iyong mga labi.
“Ngunit tandaan mo, kaibigan. Ako lang ang bulag. Ako, at hindi ang aking pag-ibig.”