“Bayad po!”
Sa maalinsangan, maingay at mausok na daanan sila makikita, minamaneho ang madisenyo at tatak-Pinoy nang mga dyip. Sa loob ng kanilang dyip ay makikita mo ang karatulang nagsasabi, “Barya lang po sa umaga!” Tagaktak man ang pawis at nahihirapan man sila ay makikita mo pa rin ang ngiti sa kanilang mga labi. Ngunit ang lahat ng iyan ay sa alaala na lang masasariwa.
Simula kasi nang nagka-pandemya ay bibihira na lang makikita sa mga malalawak na kalsada ang mga dyip. Ito ay maaaring sanhi ng dalawang bagay: dahil sa pandemya o ‘di kaya’y dulot ng jeepney modernization program ng pamahalaan. Ngunit, nasaan na nga kaya ang noo’y hari ng kalsada?
Sa kyuryosidad ay napadpad ako sa isang garahe at nakilala ko ang dalawang dekada nang dyipni drayber na si Mang Bong, hindi niya tunay na pangalan. Aniya, mag-dadalawang taon na raw siyang hindi nakaka-pasada, bagay na kating-kati na siyang gawin.
Kinamusta ko si Mang Bong sa kalagayan nilang mga drayber ng dyip. Ayon sa kaniya, sa halip daw na ang kakarampot na kikitain nila sa maghapong pasada ay mapupunta pa sa mga bayarin sa pag-aayos ng papeles na dulot ng jeepney modernization program ng pamahalaan o di kaya’y mapupunta sa meyntenans ng dyip o ‘di naman kaya’y mapupunta sa bawndari at pampa-gasolina.
Ayon pa sa kaniya, makalipas ang halos dalawang taon nang pandemyang dulot ng Covid-19 ay patuloy pa ring dumadaing ang mga dyipni drayber. Doble-doble pala kasi ang kinakaharap nilang suliranin hanggang ngayon—ang kinakaharap nilang jeepney modernization program, ang pandemya mismo, at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.
Tila biglaang U-Turn daw ang nangyari sa kaniya: mula sa pagiging drayber ay bumalik siya sa kaniyang unang kinahiligan—ang pagme-mekaniko. Noong una raw ay nagdadalawang isip pa siyang tanggapin ang alok sa kaniya ng kaibigan na ayusin ang dyip nito. Ngunit dahil wala naman siyang ibang pagkukunan ng pera para buhayin ang pamilya, tinanggap niya rin ito kalaunan.
Wala naman daw siyang natanggap ni singkong duling mula sa ayudang mula sa gobyerno. Mabuti na lang daw at may trabaho ang kaniyang panganay na anak dahil nakakaraos naman sila kahit papaano ngayong pandemya.
“Nahihiya na nga ako sa panganay ko eh… Ako yung padre de pamilya pero kung hindi dahil sa kaniya, wala kaming kakainin sa buong panahon ng pandemyang ito,” sabi ng 50-anyos na drayber.
Napaisip ako, bakit kaya hindi na lang siya bumiyahe ulit? Nagulat ako sa naging sagot niya.
“Bakit pa? Eh lugi pa ako kung bi-biyahe… Sa mahal ng gasolina ngayon, tapos siyempre yung maintenance mo pa sa dyip— ‘pag nakalbo yung gulong, gano’n. Tapos magkano lang ang kikitain ko, eh ang onti ng pasahero. Lugi lang ako do’n.”
Bago man sa kaniya na marinig ang salitang “Bayad po” na hindi nagmula sa isang pasahero ay malugod niya pa rin itong tinatanggap. Dahil ang bayad na kinikita mula sa pag-memekaniko ay malaking tulong na raw sa kanilang pamilya. Masuwerte pa nga raw siya dahil hindi pa siya umaabot sa punto na kailangan nang mamalimos sa kalsada gaya ng ibang tsuper ng dyip.
Isa lang si Mang Bong sa mahigit daang-libong dyipni drayber na hindi makabyahe nang maayos dahil sa mga kalokohang pinaggagagawa ng gobyerno. Aniya, tunay na pasakit daw ang gawa ng gobyerno sa kanilang mga mamamayan, dahil sa halip daw na tulungan sila nito ay lalo silang pinapahirapan.








