Sana hindi na lang ikaw
By: Maricris Joie Garcia Mahal nakikinig ka ba? Kung oo, heto ang sasabihin ko sa'yo. Naaalala mo pa ba yung unang tula na ginawa ko para sa'yo? Yung unang tula na nagsasabi kung gaano kita kamahal, Kung gaano ako kasaya na makilala ka, Kung paano mo binago ang buhay ko. Sabi ko pa nga sa unang tula, Bakit hindi ikaw? Bakit hindi ikaw ang mamahalin ko? Ikaw na nagagalit kapag nalilipasan ako, Ikaw na nag-aalala kapag nasasaktan ako, Ikaw na kumukumpleto sa buong pagkatao ko. Ikaw na nagpapagaan sa kalooban ko kapag may problema ako, Ikaw na minamahal ako, Ikaw na tumanggap sa akin ng buong-buo. Pero ngayon? Hayaan mong baguhin ko ang mga sinabi ko. Bakit hindi ikaw? Hindi, sana hindi na lang ikaw. Sana hindi mo na lang pinaramdam na mahalaga ako, Sana hindi mo na lang ako pinasaya, Sana hindi ka na lang nag-alala. Sana hindi mo na lang ako minahal, Sana hindi mo na lang ako nakilala, Mali, sana hindi na lang kita nakilala. Sana hindi na lang kita nakilala kung iiwan mo rin ako katulad nila. Sana hindi mo na lang ako pinaasa, Na mayroong tayong dalawa. Naaalala mo pa ba yung eksaktong sinabi ko sa'yo nung nakilala mo ako? 'Di ba ang sabi ko sa'yo, huwag kang papasok sa buhay ko kung hindi mo kayang panindigan? Kung 'di mo kayang panindigan yang nararamdaman mo. Kaya mahal kung nakikinig ka, Heto ang sasabihin ko sa'yo, Sana hindi na lang ikaw.










