SA MGA ARAW NA PAKIRAMDAM MO NAHUHULI KA NA SA BUHAY.
Madalas, pakiramdam natin kailangan natin kumaripas sa paglakad hanggang sa aktong patakbo kapag nakita na nating pupula na yung traffic light, pero hindi na naabutan yung green na go signal. Ay punyemas, nahuli na naman ako. Sayang yung hingal ko, humabol ako, nag-effort ako, pero kapos.
Hindi mo kailangan intindihin ang timeline ng ibang tao sa paligid mo – kanya-kayang script ‘yan.
Siguro nga sagana na ‘yung instagram feed nila dahil sa kung saan-saan nang lugar na napuntahan. Ang sarap tignan ng nine by nine grid nila sa dulo ng taon. Busog na busog sa tatak ang pasaporte. Daming panggala. Samantalang ikaw, gabi-gabing ligaw ang utak hindi alam kung saan napapadpad kakaisip nasan ka na nga ba, naligaw na?
Siguro yung iba ang dami nang ipon, may investment chuchu na, may insurance ekek, may bahay na. May mga naipundar na. Ikaw, purong memories kasama ng kama at unan ang nabuno sa ilang taong nakasalalay sa araw-araw na pagtulog at paggising kinabukasan ang natatanging pag-asa. Pero hindi ka pa man nakakabangon, pakiramdam mo hindi ka naman nagising, gusto mo na lang humilatang muli kasi parang wala nang nangyayari sa buhay mo. Ni hindi mo maiayos yung kumot mong ‘sang buwan mo nang di pinapalitan.
Siguro yung iba doble o triple na ang diploma kakaaral. Buti pa sila at hindi nagsasawa magbasa ng libro. Nakakuha na ng kung anong degree, ang haba ng ng pangalan, kung anu-ano nang naidugtong – PhD, Engr., CPA, etc. pero ikaw umaasa lang sa Jr. na kinabit ng erpats mo nung iluwal ka ng ermats mo. Hindi pa rin klaro kung anong gusto mo sa buhay. Nagbuno ng lima, anim na taon sa kolehiyo pero hindi naman magamit ang pinag-aralan.
Pambihirang buhay naman oh.
Minsang naambunan ng swerte isang araw na sumikat ang araw. Nakakuha ng trabaho. Animo may liwanag. Kahit na maliit, basta may masimulan, pwede na. Kaunting tiis.
Tapos nilamon naman ng krisis. Gigising isang araw na biglang hindi ka na masaya sa ginagawa mo. Nabuburyo ka na sa mga taong nasa paligid mo. Ang hirap mag-adjust, pakiramdam mo binuburot ka ng buhay sa patintero.
Bibilis ang pintig ng puso mo. Pakiramdam mo nasobrahan ka na naman sa kape na araw-araw mong pinagtyatyagaan sa pantry ng office, kulang na lang atakihin ka sa labis na palpitation. Tapos para kang lululunin ng lupa. Yung ilang taon mong pinaghirapan, pressure, expectation, na akala mo may utang na loob ka sa buong barangay nyo – ramdam mo.
Hinga ka lang. Magpahinga ka lang. Hindi naman nangangahulugan na titigil ka na. Hindi mo kailangan umusad kung nakikita mo silang umuusad. Hindi naman sila kasali sa karera ng buhay mo. May kanya-kanya tayong laban.
Alamin mo, ano ba talagang gusto mo sa buhay. Sa mga nagdaang araw na sa tingin mo nasayang, pero huwag mong isiping nasayang, sabihin na nating learning period, alamin mo ano bang natutunan mo. Totoo naman, may oras na dumaraan at energy, kaya hindi naman puwedeng habang buhay ka lang na maghihintay ng biyaya.
Minsan, sadyang kailangan lang natin ng taong magmumulat ulit sa’tin. O kaya naman, kahit ganitong simpleng sulat ng di mo kakilalang tao, para mamulat ulit tayo. Gising-gising, galaw-galaw. Kilalanin mo muna ang sarili mo. Planuhin mo yung susunod mong gagawin. Kapag natalisod, keri lang daw dapat, bangon, tayo ulit, entra ng lava walk. Sadyang may mga pa-slowmo effect ang buhay, pero kapag nakabisa mo na, madali nang harapin.
Sa susunod na makita mong pupula na yung traffic light, hindi ka na tatakbo, lalakad kang normal, kakalma, kasi hindi mo kailangan magmadali, hindi mo kailangan habulin ang buhay. Bibigyan ka n’ya ng susunod pang round para maka-go, at sa puntong dumating iyon, sakto na sa timing mo.