When boredom strikes!
Tsubibo By Juriel Poguilla Gusto ko muling sumakay sa tsubibo. Yung nakakalulang ride sa mga theme park At oo wirdo mang isipin pero takot ako sa matataas na lugar Yung ultimong nasa tuktok na ako ng alapaap. Takot ako. Takot ako sa maraming bagay. Isa na dun ay ang umibig. Umibig sa isang tao tulad ng mga magkakasintahang nasisislayan mo na magkasamang magkaakbay, magkahawak kamay at naglalambingan sa bawat hakbang mo sa pook pasyalan. Takot ako. Na kapag pinasok ko tong panibagong mundo na hindi lang ako, kundi tayo, ay hindi ko mapanindigan dahil takot ako. Sanay akong harapin ang pang araw araw na hamon ng buhay dahil yun ako. Sumasabay sa agos ng kung anuman ang inihain ng tadhana. Maghihintay ako. Maghihintay sa panahon na wala ng takot. Wala ng alinlangan na balang araw makakamtan ko rin ang mga tunay na kaligayahan. Di lamang sa piling ng aking pamilya't kamag anak kundi sa piling ng iba. Kaya tulad ng pagsakay ko ng tsubibo na may takot habang unti-unti pumapanhik. Ganun din sana ang paglaho ng takot ko pagbaba nito. Na sana mas matapang ko ng yakapin ang katotohang di dapat ako mag-isa sa mundo.















