Isa, dalawa, tatlo, ilang taon na ba? Apat, lima, anim, halos anim na taon na pala, Halos anim na taon na mula nang may isang taong humingi sa akin ng laya at kasabay no'n ang pagpasok ko sa selda kaya hanggang ngayon, heto ako, nakakulong at nakatali pa. Hanggang sa dumating ka. Isa, dalawa, tatlo, ilang buwan na ba? Apat, lima, anim, halos anim na buwan palang ah. Sino ka nga pala? Sino ka ba? Sino ka para sabihing mahal mo ako? Samantalang halos anim na buwan palang simula nung magkakilala tayo. At minsan isang gabi tinanong mo ako, Dalawang sagot lang ang pagpipilian ko; oo o hindi. Ngunit pinili ko ang pangatlo - ewan. Ewan, hindi ko alam. Magulo, hindi ako sigurado. Natatakot ako. Nasanay na ako sa loob ng seldang ito, at hindi ko alam kung liwanag ba o dilim ang masisilayan ko sa paglabas ko. At hindi ka na umimik. Apat na araw na nang iyong pananahimik. Panglimang araw na, hindi ka pa rin nagbalik. Kailangan ko nang magdesisyon, Isasantabi ko na ang takot, Dahil sa pang anim na araw buo na ang aking loob. Magbibilang ulit ako. Dahil naniniwala ako na sa pagitan ng 'magulo' at 'hindi ako sigurado,' mayroong 'tayo.' Sa pagkakataong ito hayaan mong dayain ko ang tadhana, Isasantabi ko na ang takot dahil kailangan kitang bawiin sa kanya. Hayaan mong baliktarin ko, hindi ang aking mga pangako, kundi ang mga numero. Sisimulan ko sa anim, sa humigit kumulang anim na buwan palang nating magkakilala ay para bang mahigit limang taon na. At hindi na ako natatakot sa susunod pang apat na taon o ilan pang mga taon dahil alam kong nandyan ka. Panghahawakan ko ang tatlong salitang binitiwan mo nang gabi yon dahil naniniwala ako, na nagkamali ang tadhana nang minsang kinuha ka niya. Nagkamali siya na tinutulan niya tayong dalawa. At isa pa, huwag kang mag-alala, dahil wala akong dugo ni Basha, hindi ako magmamakaawang sayong bumalik ka, dahil ni minsan hindi sumagi sa isip kong iwan ka. At isa pa ulit, hindi naman ikaw si Popoy diba? Magbibilang ulit ako. Isa, dalawa, tatlo, kahit paulit ulit. Apat, lima, anim, hanggang sa iyong pagbabalik. Magbibilang ulit ako, Isang taon, dalawang buwan, tatlong linggo, Magbibilang ulit ako, Apat na araw, limang oras, anim na minuto, segu-segundo, Magbibilang ulit ako hanggang sa pagbalik mo. Magbibilang ulit ako hanggang sa dumating ang araw na sabihin mong ako pa rin, At masabi ko sayong hindi na ako natatakot, HANDA NA AKO. - Jally 💋
















