Panahon ng Bahay Kubo
Pundamental na bahagi sa isang buhay ang tahanan para sa isang indibidwal. Pagpunta sa trabaho o paaralan, pati na rin sa pagluwas, hinding-hindi nakakalimutan ang ating tahanan. Uuwi at uuwi pa rin tayo sa ating pinanggalingan. Dahil ito ay may malaking halaga sa ating kinalalakihan, nais kong gamitin ang ebolusyon ng mga kabahayan bilang isang paraan ng pag-angkla sa pagyuyugto ng panahon ng ating kasaysayan ng panitikang Pilipino. Maaari itong magsilbing simbolikal na repleksyon ng pagbabago ng kasaysayan sa pagdaloy ng panahon.
“Bahay kubo, kahit munti, ang halaman doon ay sari-sari,”
Ito ang panimulang linya sa katutubong kanta na “Bahay Kubo”. Siguradong alam na alam ito ng marami dahil pinapakanta ito noong kabataan natin. Ngunit ano nga ba ang bahay kubo bilang isang parte ng ating kultura bilang Pilipino? Inilalarawan ang bahay kubo o “nipa hut” bilang isang maliit na katutubong bahay na gawa sa kawayan. Mayroon itong bubong na yari sa binigkis na dahon ng nipa o anahaw. Mapapansin na ang mga kagamitan ng bahay kubo ay madaling hanapin sa kapaligirang pinapalibutan, bunga ito sa nesesidad na muling ayusin ang bahay kubo kung ito ay napinsala ng isang natural na kalamidad. Isang silid lamang ang nakikita sa loob ng bahay kubo. Ang malaking espasyo ay nagagawang lugar ng kainan at pagkatapos nito ay ililigpit at ilalabas ang banig kapag oras ng tulugan.¹ Sa estraktura palang, nakikita natin na simple ang pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino noon. Nagiging repleksyon ang bahay kubo sa ating pagkakakilanlan. Higit pa sa pisikal na kaayusan ng bahay na ito ay litaw din ang ating identidad bilang Pilipino sa mga katangian ng isang bahay kubo. Sinusuri ng surilaysay na ito ang metaporikal na kaanyuan at depenisyon ng isang kabahayan na makikita sa mga piling representatibong akda na galing sa mga katutubong Pilipino.
Kitang-kita ang payak na pamumuhay ng sinaunang Pilipino sa mitong Ifugao na kung tawagin na “Kwento nina Bugan at Kinggauan: Ang Pag-ibig ng Isang Bathala sa Isang Tao”. Ang bathalang Bugan, anak nina Hinumbian at Dakaue, ay nakatira sa ikalawang suson ng kalangitan na tinatawag na Luktag. Sa kanyang pagkadalaga, pinayuhan siya ng kanyang mga kamag-anak na maghanap ng pakakasalan ngunit tinanggi nito ni Bugan. Ayon kay Bugan, siya lamang ang may desisyon sa kung sino siya magpapakasal at kung sino ang kanyang mapapangasawa. Bumaba siya sa lugar na tinatawag na Pangagauan. Dito nakita niya si Kinggauan, isang binatang walang suot na bahag at nakatira sa isang kubo. Sa pagtungo ni Bugan sa kubo ni Kinggauan, binigay niya kay Kinggauan ang dala-dala niyang lutong kanin at bahag. Mag-isa lang si Kinggauan na nakatira sa kanyang munting kubo dahil kuripot ang kanyang mga magulang at hindi nila kayang isuporta ang pangangailangan ng kanyang anak. Bilang isang bathalang makapangyarihan, biniyayaan ni Bugan kay Kinggauan ang swerte sa kanyang pangangaso. Hindi nagtagal, sila ay nagpakasal kahit hindi ito ka-grande-grande.² Ang dalawang tauhan, si Kinggauan na isang mortal na simple ang pamumuhay, at ang bathalang Bugan na kusang bumaba ng langit para ibigin si Kinggauan. Nakakatuwang isipin na sa mitong ito nakikita ang literal at metaporang halaga ng bahay kubo at kung paano ito sumasalamin sa karakter na si Kinggauan. Payak ang tirahan, simpleng tao. Ganito namuhay ang karamihan sa mga sinaunang Pilipino noon.
Tampok ang metaporang tahanan sa mitong “Tungkung Langit at Alunsina” na galing sa mga taga-Panay. Tungkol ito sa dalawang mag-asawang diwatang Tungkung Langit at Alunsina na nag-away dahil sa paninibugho ni Alunsina. Sa galit ni Tungkung Langit, inalisan niya ng kapangyarihan si Alunsina at ipinalayas. Ilang araw ang lumipas at napansin ni Tungkung Langit na ang tahimik ng kanilang tahanan dahil wala ang asawa niya. Sinasabi na ang luha ni Tungkung Langit ang nagiging ulan na papatak-patak sa lupa. Kahit nakatira sa isang malawakang palasyo si Tungkung Langit, damang-dama niya ang kanyang kalungkutan.³ Hindi ganap ang literal na imahe ng isang bahay kubo, ngunit makikita natin ang kanyang pagpapakandili sa kanyang itinuturing “tahanan” na si Alunsina.
Base sa mga tinalakay na mga representatibong akda, masasabi natin na maraming paraan ng pagpapakita ng kabahayan: sa paraan ng literal o metaporikal. Pinag-uusapan ng unang akda ang literal na aspeto ng bahay kubo kung saan sumasalamin ito sa simpleng pamumuhay ng mga tao noon at pinag-uusapan naman ng metaporikal na aspeto sa pangalawang akda ang pagiging “tahanan” ng isang indibidwal. Ang katutubong Pilipino ay nomadiko at palipat-lipat ng kubo, kung kaya’t kadali-dali lamang ilipat ang isang bahay kubo patungo sa kabilang lugar. Ngayon na napresenta na ang dalawang kaanyuan ng isang bahay, maaari natin itanong: ano nga ba ang isang kabahayan? Isa ba itong konkretong konsepto o pwede ba itong gawing isang simbolo? Ang magiging kalagitnaan sa puntong literal at metaporikal na kaanyuan ng bahay kubo ang aspektong “binabalikan”. Sa pagtatapos ng araw, babalik at babalik din tayo sa ating tahanan, tao man o bahay.
_____________________________________
¹ Augusto F. Villalon, “The Filipino bahay Kubo, where form does not necessarily follow function,” In Vernacular Architecture (2002): 68.
² Damiana L. Eugenio, Philippine folk literature: An anthology. Vol. 1. (UP Press, 2007), 24-29.
³ Gary C. Devilles, ed. Pasakalye: isang paglalayag sa kasaysayan ng panitikang Filipino. (Blue Books, 2014): 22-23.
Talasanggunian:
Devilles, Gary C., ed. Pasakalye: isang paglalayag sa kasaysayan ng panitikang Filipino. Blue Books, 2014.
Eugenio, Damiana L. Philippine folk literature: An anthology. Vol. 1. UP Press, 2007.
Villalon, Augusto F. "The Filipino bahay Kubo, where form does not necessarily follow function." In Vernacular Architecture, pg. 68. 2002.

















