Ang tagal kong ginusto na makabili ng instax. Bukod sa painting, journaling is one of my hobbies too since childhood. Naisip ko, swak sa journals yung instant photos. So sabi ko sa sarili ko, pag nagkatrabaho ako bibili ako nun. Pag iipunan ko.
Nang magkatrabaho na ako, sa tuwing magkakaron ng extra budget, pag iisipan kong bumili na ng first ever instax ko as a reward na din para sana sa sarili ko. Pero palagi ding hindi matutuloy. Kasi, maiisip ko, "Kailangan ko ba talaga 'to?"
"Deserve ko ba 'tong reward na 'to?"
Ahh. Baka hindi kasi ang daming dapat unahin. Ipon para sa bahay (dahil gusto naming maipaayos ang bahay namin), budget para sa bakasyon (teacher kasi ako sa private school at wala kaming sahod tuwing summer vacay), emergency fund.
So hindi... Hindi muna. Hindi ko pa kailangan, hindi pa mahalaga, hindi ko pa deserve. Sa loob ng 5 years, tuwing palapit ang birthday ko, or ang Christmas, ganyan ang scenario.
2020 nang maging kami ni Oliver, wala pa ako sa gusto kong marating sa buhay pero wala na din sa dati kong kinalalagyan. Naipaayos na ang bahay namin kahit papano, umalis na ako sa academe so hindi ko na kailangang mag-ipon para sa summer, pero yung konting naipon ko para emergency fund ay naubos habang naghahanap ako ng trabaho noong kahigpitan ng lockdown. So para akong nagsisimula ulit. Bagong trabaho, bagong pag-iipon.
Kasama ko sya sa lahat ng pagbabagong yun. I was so motivated to work, earn, and save. You know, the magic of new beginnings.
Nagset ako ulit ng goals. Both short-term and long-term goals. Syempre, kasama yung instax dun. I remember telling him na sa next birthday ko, bibilhin ko na talaga yung matagal ko nang gusto. Instax camera, pag-iipunan ko. He discouraged me, kasi sabi nya mahal masyado. Eh nag iipon pa ako. Sa Christmas nalang daw, pagdating ng mga bonus ko (government employee na kasi ako). Ako naman, parang, "no, I'll try. Baka kaya na ng budget ko sa June."
Pero, habang papalapit ang birthday ko, nakita kong di pa nga kaya. So sabi ko sa sarili ko, sige, sa Pasko nalang. Nakahintay nga ako ng 5 years e, yung ilang buwan pa ba ang di ko mahintay. Diba?
June 10, 2021. Magkasama kami, tambay sa bahay nila. Tinawag sya ng papa nya, may shopee daw sya. So lumabas sya para kunin yung parcel. Pagbalik nya, I asked, "Ano yan?" No answer. I asked again, "Ano yan?" Wala pa din. That time, pinagbabawalan kasi namin ang isa't isang magshopee, kasi nga nag-iipon kami pareho. So, tumahimik ako. Kasi, naiinis na ako. Hindi sya tumupad sa usapan na no online shopping muna.
"O ayan na nga, happy birthday. Alam ko naman na di ka titigil hanggat di ko sinasabi kung ano binili ko." Kinuha ko, "Ano to?" Sabi nya buksan ko na. Pagbukas, alam nyo na. :)
Yung ilang taon kong hinintay makuha, ilang buwan palang naibigay na nya.
Syempre, sobrang saya ko.
(Naiiyak nga ako ulit habang tinatype 'to e.)
Pero tanong ko pa din sa sarili ko, habang hawak ang kauna-unahang instax ko, "Deserve ko ba 'to?"
Si Oliver at yung camera, may pagkakapareho sila. I waited 6 years before I entered a new relationship. Sa anim na taon na yon, binantayan ko ang sarili ko na huwag na maniwala sa relationships, sa love. Sa tuwing may magpapakita ng interest, palagi kong inuunahan ng "Huwag na Karen, di naman yan mahalaga. Kaya mong mag isa." Yung camera, limang taon kong sinabi sa sarili ko na hindi yun mahalaga. Mas maraming dapat unahin. Di ko pa deserve, saka na.
Ngayon, sa tuwing tatanungin ko ang sarili ko, "Kailangan ko ba sya?"
Oo. Deserve ko – si Oliver, yung pagmamahal nya... At yung camera.