LEGARDA KINONDENA ANG MUNGKAHING PAGPAPALAYAS NI TRUMP SA MGA PALESTINO SA GAZA
Mariing kinondena ni Senadora Loren Legarda ang nakakabahalang mungkahi ni US President Donald Trump na i-“take over” ang Gaza Strip, pati na ang paglilipat ng mga Palestinong residente nito sa mga karatig na bansa tulad ng Jordan at Egypt, na nabanggit sa isang press conference kasama si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu noong Pebrero 4, 2025. “Lubhang nakababahala at hindi katanggap-tanggap na matapos tiisin ang labinlimang buwan ng matinding karahasan at mga dekada ng patuloy na pang-aapi, ang mga Palestino na pilit kumakapit sa mga huling labi ng kanilang winasak na mga tahanan sa Gaza ay ngayon ay nahaharap sa malupit na posibilidad ng sapilitang pagpapaalis,” pahayag ni Legarda. Ang pahayag ni Pangulong Trump ay kasunod lamang ng ilang linggo matapos ang isang ceasefire at hostage release deal sa pagitan ng Israel at Hamas, matapos ang labanan na nagdulot ng matinding pagkawasak sa Gaza, kung saan halos 62,000 Palestino ang napatay. “Hindi kapani-paniwala na sa ika-21 siglo, nasasaksihan natin ang mga mungkahing mass expulsion ng isang buong populasyon, na tila binubura sila mula sa kanilang sariling bayan, tinatanggalan ng pagkakakilanlan, at ginagawang mga permanenteng refugee. Ang ganitong hakbang ay hindi lamang kasuklam-suklam kundi nagpapabalik-tanaw sa mga pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan,” diin ni Legarda. Ayon kay Trump, magkakaroon ng “long-term ownership” ang US sa Gaza at itatayo itong “Riviera of the Middle East.” Ang Gaza, tahanan ng halos 2.1 milyong tao matapos ang digmaan, kung saan halos 47% ay mga batang wala pang 18 taong gulang, ay labis na napinsala. Tinatayang 92% ng mga bahay rito ay nawasak, at ang mahahalagang imprastraktura tulad ng mga sistema ng tubig at kuryente, mga ospital, paaralan, mosque, simbahan, at mga makasaysayang pook ay malubhang nasira. “Ang Gaza ay hindi bagay na maaaring angkinin, ipagbili, o ipamigay. Ito ay pag-aari ng mga Palestino at nararapat lamang na manatili ito sa kanila. Ang pag-aakalang maaari itong agawin sa ngalan ng pag-unlad ay isang matinding kawalan ng katarungan na hindi dapat palampasin. Anumang pagsisikap na muling itayo ang Gaza ay dapat malinaw na nagpapakita na ang mga Palestino ay mananatili sa kanilang sariling lupa,” ani Legarda. Sa isang advisory opinion na inilabas noong Hulyo 19, 2024, idineklara ng International Court of Justice (ICJ) na illegal ang patuloy na presensya ng Israel sa Occupied Palestinian Territory. Bukod pa rito, noong Nobyembre 21, 2024, naglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Israeli Prime Minister Netanyahu matapos ang imbestigasyon sa diumano’y mga krimen sa digmaan at mga krimen laban sa sangkatauhan.














