Tag-ulan
Noong ika'y aking isilang,
Ang mga patak ng ula'y 'di ko mabilang.
Sa aking labis na kagalakan,
Ikaw ay aking hinagkan.
Pangako ika'y aking gagabayan,
Bibigyan ka ng magandang kinabukasan,
'Wag mo lang akong suwayin,
At pag-aaral ang iyong unahin.
Bawal ka nito, bawal ka niyan,
Huwag kang sumama rito, 'wag kang pupunta riyan.
Ang daan tungo sa hinaharap ay titiyakin,
Sumunod ka lang sa akin.
Bawat hakbang ko'y pulido,
Sa akin nakasalalay ang iyong estado,
Ngunit bakit paglingon ko, ika'y nakahinto?
Tila ba tumigil na sa pagtibok ang iyong puso.
Bakit ka nagkakaganyan?
Lumalakas na ang bugso ng ulan.
Itigil mo na ang pag-iinarte,
Malapit ka nang magdisinwebe.
Narito na naman ang ulan,
Hudyat ng araw ng iyong kapanganakan.
Pero bakit ngayon ka rin lilisan?
Bakit kailangan mo akong iwan?
Tinawag mo 'ko sa isang malumanay na paraan,
Subalit hindi ko na maintindihan,
Napakagulo ng aking nararamdaman,
Pakiusap, hindi ko ito nais masaksihan.
Sa isang maulap na panahon,
Nagpaalam kang manghuhuli ng ibon.
Ngunit hindi ka na bumalik pa,
Kaya pala isa lang ang dala mong bala.
—
Larawan mula kay Jungsuk Lee na inilathala sa Pinterest.
https://pin.it/6WaAfLF












