Kababata
Ikaw ang aking kasama,
Kapiling at kasangga.
Sa pagtakbo sa bukirin,
Ikaw ang nais kong habulin.
Bata man ang aking anyo,
Ngunit hindi ko na maitatago
Ang pagbilis ng tibok ng aking puso,
Tuwing ating mga mata'y magtatagpo.
Nangako tayo sa isa't isa,
Sa pagtanda tayo'y magsasama.
Magkabuhol na ang ating bituka,
Malabong tayo'y mapaghihiwalay pa.
Ngunit sa paglipas ng mga araw,
Tila ba ako'y naligaw
Kami ay aalis na raw,
Kailangan kong mag-aral sa macau.
Sa aking pag-uwi,
Nadatnan ko ang matingkad mong ngiti.
Nakasuot ka ng puti,
Kasing-ganda mo ang bahaghari.
Habang naglalakad ka nang dahan-dahan,
Luha'y hindi ko na mapigilan
Ito rin pala ang kahahantungan,
Ng dati nating pagmamahalan.
Inilahad mo sa harap ng Diyos ang iyong damdamin,
Inamin mo rin sa harap namin
Ang dati mo pang lihim na pagtingin,
At nangakong habang buhay mo siyang mamahalin.
Oo, siya ang nasa harap kasama mo,
Habang ako'y tahimik na nakaupo
Bahagyang nakatungo,
Inaaalala ang dati nating pangako.
Umalis lang ako saglit,
Pagbalik ko'y mayroon na 'kong kapalit.
Puso ko'y napupuno ng pait,
Bakit ganito ang ating sinapit?
Sampu kung bibilangin,
Ang mga taon na pinagsamahan natin.
Kaya't kung iyong mamarapatin,
Maaari bang sa huling pagkakataon, ika'y maging akin?
Hayaan mo akong ika'y hagkan,
Damhin ang naudlot nating pagmamahalan.
Dahil sa oras na ika'y aking bibitawan,
Handa na rin akong ika'y kalimutan.
Ikaw ang aking kasama mula pagkabata,
Subalit hindi na yata hanggang sa pagtanda.
Para sa'yo aking kababata,
Nawa'y mamuhay ka nang masaya kahit pa sa piling na ng iba.
—
Larawan mula sa Pinterest












