mag-ingat ka
tula, 3/07/17
mag-ingat ka
hindi dahil may delubyo ang kalikasan
walang bagyo o lindol na paparating pero-
mag-ingat ka
maaring hindi ka bahain ng buhos ng ulan
hindi guguho ang mga dingding ng tahanan
pero mag-ingat ka
dahil kung hindi unos ang sasapit
baka mundo mo
ang mawasak
ang puso mo kaya-
mag-ingat ka
maaring hindi tubig mula sa mga ulap
ngunit luha sa iyong mga mata
at marahil hindi mga mga bitak ng
nawasak na pader
pero mga piraso ng nadurog mong puso
mag-ingat ka
mag-ingat ka dahil ako mismo
naranasan ko na
ang yumakap sa bagay na kaytagal kong hiningi
sa pakiramdam na kaytagal kong inasam
sa taong, kaytagal kong hinintay
kaya nung sa wakas
sa wakas makuha ko
wala kong ibang naramdaman kundi
saya, mas masaya pa sa masaya
maligaya, hindi
hindi ko maipaliwanag
tahanan
pakiramdam ko ako’y nakauwi na
sa piling ng taong matagal nang
nag-aabang, naghihintay
masaya at mas masaya pa sa masaya
dahil nakaramdam ako ng
seguridad
hindi sa loob ng kwarto ko kung san
kami ay magkasama
hindi sa loob ng bahay nya kung san
kami halos tumira
kundi sa kanya
sa kanya na nagparamdam sakin kung ano ang-
sigurado
oo sigurado akong namalagi at nanatili
sigurado akong nagmamahal at nagpapalalim-
ng pakiramdam
ng nararamdaman
ng pagmamahal na ngayon ko lang
naramdaman
sigurado akong pagmamahal lang ang laman
ng puso, ng isip
ng lahat ng bahagi ng aking katawan
sigurado
kaya pinalalim ko nang pinalalim hanggang sa
ako’y malibing
sa hukay na ako rin ang patuloy na nagbungkal
dahil akala ko bukal ang lahat
mag-ingat ka
dahil sa masasayang bagay mo aanyayahan
ang delubyong hindi mo kailanman inasahan
mag-ingat ka
dahil sa kabila ng mga akala mo
ay ang pagwawalangbahala nya
at sa kabila ng pagpapatuloy mo
ay ang pagbabalak nyang di na ituloy pa
mag-ingat ka
sapagkat sa pakiramdam na nasa langit
ay ang di mo inaasahang pagbulusok pabalik
sa kalungkuntan
sa lugar na di mo naman ginustong puntahan
at di kailanman naisip na patutunguhan
mag-ingat ka
dahil sa bawat pag-angat ay mas lumalapit ka
sa sakit ng pagbagsak
kumapit ka
sige hangga’t may nakikita ka
kumapit ka dahil alam mong ikaw lang
ang humahawak
ang may pinanghahawakan
dahil matagal na nyang binitawan ang lahat
noon pa man
mag-ingat ka
mag-ingat ka
sa kanya dahil ako man ay
nakaranas na
na maniwala sa di totoo
na tumingin sa liwanag
na kumapit sa natitirang kakarampot na pag-asa
kahit ang totoo’y isa lang syang malaking paasa
mag-ingat ka
sa mga pangako ng magandang buhay
sa mga pangako ng pagmamahalang tunay
mag-ingat ka
dahil sa pagtingin sa magagandang bagay
hindi mo malalaman na pumasok ka na
sa mas matinding sakit
sa mas matindi pang pait
sa delubyong mas matindi pa ang hagupit sa kahit anong unos na naranasan mo na
mag-ingat ka
dahil higit sa bagsik ng kalikasan
ay ang sakit na dulot ng sangkatauhan
at ng nag-iisang taong iyong pinagkatiwalaan
mag-ingat ka
dahil hindi lahat ng galing sa bibig
ay pawang katotohanan
at hindi lahat ng pinaparamdam
ay wala na ngang hangganan
mag-ingat ka
hindi ko man masabi sayo ng diretso
pero ito lang ang alam ko
dahil sa akin mismo ay pinaramdam nya
mag-ingat ka
ngayon pa lang magpakatatag ka
ngayon pa lang maghanda ka
sa paglunod nya sayo sa kasinungalingan
sa pagyanig nya sa iyong daigdig
gawa ng pekeng kasiyahan
sa pagpipira-piraso nya sa
kung anong meron ka
mag-ingat ka
muli
dahil ako’y pinatay nya
sa lahat ng nararanasan mo ngayon
at sa lahat ng ipinaranas nya
pagkatapos ng lahat ng meron
mag-ingat ka
sinasabi ko sayo
mag-ingat ka