Maraming halimaw sa Pilipinas:
Multo, aswang, kapre, tao.
Lahat sila, tuwing gabi ay nagtatago, tumatakbo, o lumilipad—
makatakas lang sa panganib na dinadala ng gabi—
panganib na dinadala hindi ng nuno o engkanto.
Hindi namin tinatakasan ang kapit ng mangkukulam,
kundi ang dahas ng pulis at armas.
Binibigay nalang sa manananggal ang bunga ng panggagahasa ng sundalo.
Maganda na raw ang makunan kaysa madakip, manakawan, mawalan.
Lagi raw binibiktima mga duwende kasi madali sila hulihin,
pero kahit kabataan, walang takas sa dahas ng panahon.
Marami raw sila sa Baguio at may isa pa nga raw sa Balete,
pero sa siyudad ng Ilocos napanganak ang halimaw na ngayong
nagtatrabaho sa Malacañang.
Tulad natin, Katoliko pa raw siya.
Mukhang katulad natin,
mukhang tao.
Ngunit walang awa—
at walang ligtas.
Walang boses ang tao mapahating gabi o liwayway,
walang awit na bubuhay sa dilim,
kaya umindak na lamang sa tunog ng bala at sariling yapak ng paa.
Nagsasabayan—
ang sunod-sunod na yabag ng paa ng kapre sa
tunog ng riple.
Nakakabingi—
ngunit sa pagtahan ng ingay,
tahimik kundi ang iyak ng tiktik tawag ng madaling araw.
Maliban sa ilang putok ng baril—
Maliban sa ilang hiyaw at iyak—
sigaw ng nawalan ng anak, magulang, kapatid, asawa—
tahimik—
ngunit hindi mapayapa.
Pinagdadamutan ng oras kasama ang buwan ang mga bakunawa,
kaya lalong dumidilim—
ang lalabas ng gabi, hindi na makakauwi.
Parang magkadugtong na bangungot,
tumalon ka man ng ilang dekada,
hindi nawawala ang pula sa kalsada,
pero pula,
buhay ang kulay ng pula
Hindi kukupas ang pula—
kulay ng galit, kulay ng laban.
Tulad ng tao, kahit mga aswang, espirito, multo
Magtatago, tatakbo, lilipad.
Pero tulad din ng tao,
kikilos—
at lalaban.