Una sa walang katapusang mga Liham
Minsan ko nang binigyan ng palugit ang sarili: isang buwan, isang taon, huling isandaang liham--- pero maniwala ka o sa hindi, mas maraming pagkakataon akong humiling na pahabain pa ng panahon at pahabain pa ang oras na makakasama kita. Sabihin na natin na hindi parating nakangiti tayo sa mga larawan. At hindi parating matatamis ang salita. Hindi rin natin palaging kapiling ang isa’t isa. Pero nananatili ‘yong maligamgam na pakiramdam. Lalo na kapag bumubugso yung mga alaala. Biglaan at walang paalam. Literal na nararamdaman yung paru-paro sa sikmura. Nandoon ‘yong mga panahon na sa likod ng paghiling na lumayo ay ang tahimik na pakiusap na huwag sana. Na kahit gaano pa kalakas ang puwersa ng pagtulak ay ‘di ka matitinag, hindi tayo--matitinag.
Ni minsan din ay hindi ako nagkalakas ng loob na ihayag kung gaano ko kagustong masdan ang mga totoong ngiti sa labi at mata mo. At kung paano ko madalas na pinipigilan na kiligin kapag nagtatama ang paningin natin. Hindi mo rin alam kung gaano ko pakamahalin ang bawat minutong parang bata ang pagkilos mo. Kagaya kaninang umaga na sinayaw mo ang kaisa-isa mong alam na dance step habang may malawak na ngisi. Hindi mo rin alam kung gaano kaginhawa kapag naririnig kong gusto mong manatili sa tabi ko sa tuwing maghihiwalay tayo papunta sa kani-kaniyang pupuntahan.
Patawad sa mabigat na iniatang sa’yo ng mundo. Patawad dahil hindi naging kaibigan ang pagkakataon sa’yo, noon. Pero iba na ngayon. Wala nang dahilan para lamunin ng hinanakit at pagtatampo.
Hindi mo kailangan mag-alala na mawawala ang mga ito. Kahit pa sa kabila ng pagtatangka at pagsubok--daig mo ‘to. Alaala, pag-ibig, lungkot, saya--bahagi lahat ng buhay. Lahat ‘to ay ‘di mawawala at patuloy na magbibigay sa’yo ng dahilan para mabuhay. Nandito ako, kagaya ng buhay ay ‘di rin mawawala. Magtatagal sa simoy ng hangin o sa pagitan ng bisig mo o di kaya sa mga suot mong damit. Mamalagi sa pagitan ng mga daliri mo, sa likod ng tainga, sa batok, sa buhok, ilong, sa mga pisngi. Naroon ako--sa pagkakataong kakailanganin mo.
Sa ngayon ay tahimik ang eksistensya ko na aaligid. Mahal, mahal kita. Higit sa malalambot na unan ko tuwing gabi o sa kumot na nag-aalis ng lamig tuwing madaling-araw. Mahal kita na parang nag-iisang ilaw sa posteng nananatiling nagliliwanag sa kahabaan ng madilim na highway pauwi sa amin. Hindi mapupundi kahit maulanan, maarawan hanggang maluma.
Patuloy na idadalangin ko kalakip ng pabugso-bugso kong pananampalataya na palagian kang makaalalang tumingin sa taas at matagpuan mo ang daan pauwi---sa ‘ting tahanan--dili maligaw sa kabila ng nakakalitong mga pasikut-sikot at lubak.
Sa katahimikan ko muna ako hihimbing at lalagi--hanggang makauwi ka.
Paalam sa huling isandaang liham at sasalubungin ang walang hanggan pang mga isusulat hanggang kapusin ang tinta at magbalik ka.