Gusto kong maisayaw ka
Hindi lamang sa gitna ng engrandeng entablado
Habang pinagmamasdan ng daan-daang tao.
Gusto kong maisayaw ka
Sa loob man ng maliit at masikip nating kusina,
Sa ilalim man ng mainit na tirik ng araw
O maging sa kadiliman ng tahimik at tulog na buwan,
Sa gitna man ng maingay at magulong kalsada habang bumubuhos ang ulan;
Habang nagkukumahog tumakbo ang lahat sa silungan,
Gusto kong manatili tayong nakatitig sa isa’t-isa.
Hindi alintana ang nangyayari sa paligid
Gaano man kagrabe ang lamig,
Gaano man kagulo ang mundo,
Gusto kong manatili ka sa piling ko.
Gusto kong maisayaw ka sa araw-araw.
Tag-araw man o tag-ulan.
Gusto kong maisayaw ka sa bawat indayog ng buhay
Malumanay man o magulo ang tono ng kanta
Hindi man palaging maintindihan ang isa’t-isa,
Gusto ko at buong puso ko pa ring pipiliin na maisayaw ka
Ano man ang lagay at nangyayari sa ating paligid
Dahil hindi lamang ako nanatili para sa mga sayaw na bitbit lang ay ngiti
Tandaan mong pipiliin ko ring manatili sa mga sayaw na may dalang pighati
Dahil ganoon ang tunay na pag-ibig.
Gusto kong maisayaw ka at magkaroon tayo ng sarili nating mundo
Gusto kong ikaw ang makasama sa pagharap ng iba’t – ibang uri at klase ng musika
Magsasayaw tayo at tititigan ang mapupungay na mata ng isa’t - isa
Habang mahinang sinasambit ang mga katagang,
“Aking sinta, mahal na mahal kita, ano man ang maging saliw ng kanta.”














