Sa gabing wari'y hirap kaunin ng antok at nagpapalamon sa kalungkutan, nais kang mahawakan at mahagkan. Nais kang kumutan sa kay lamig na kapaligiran. Nais kang ikubli sa mundong makasarili. Kaunting oras na ika'y kasama animoy isang minuto lamang ang lumipas, hindi sa ako'y ganid, nais lamang ika'y masulit.
Puso'y di mawari. Iba ang nadarama. Sandali parang may mali. Sandali, nais kunin ang sandali.. kapain ang dibdib, kapain ang damdamin. Wag kang aalis. Pakiusap, please.
Kay daming tumatakbo sa isip, mga pagsubok na dapat malagpasan.. nais kang hagkan at mahawakan ngunit kay raming papel ang saaki'y humahadlang. Mahal, ikaw ang liwanag sa madilim na karagatan. Ikaw ang kasagutan sa maraming katanungan. Ikaw ang pag-asa, ikaw ang aking tahanan.
Madami nang napagdaanan, lugar na natagpuan, dagat na nalanguyan, pangarap na nakamtan nang magkasama.. magka hawak kamay. Mahal, aking dasal na nawa'y sa lahat ng karangalan, ikaw ay aking kasama. Kamay mo ang hawak at hindi haplos nino man ang kadantay sa umaga. Mahal, dito ka lang saaking tabi. Ang pangako kong aalagaan ka hanggang sa dulo ng pinakahuling gabi, aking tutuparin. Sapagkat ikaw ang aking tahanan.
Sa ilang taong nagsama, darating ang gabi na hindi na ako ang nais mong makatabi, darating ang araw na hindi ako ang nais mong kasulyap na ulap.. darating ang maghapong di ako ang iyong hanap. Isa lang ang pakiusap, mahal hawakan mo ang aking kamay. Sapagkat ang pagmamahal ay hindi lamang sa kasiyahan. Sa kakungkutan at sa di pagkaka-unawaan, ako ang iyong karamay. Hindi kita bibitiwan sapagkat ikaw ang aking tahanan.
Kung ako'y lilisan at makikinig sa mundong nagbabadya at nagsasabing ako'y marapat nang bumitiw at humanap na lamang ng panibagong mga kamay na hahagkan at mahahawakan, hindi iyon pag-ibig. Marahil ang konseptong ito'y isa lamang sa mga panandaliang kasiyahan na hindi karapatdapat na ipinag-lalaban. Mahal, mas malalim sa karagatan ang aking nadarama. Bawat pangakong iminutawi ng aking labi mula noong unang araw na ika'y nahagkan, lahat iyon, buong pusong panghahawakan.
Ang anumang apo'y ay marahil hindi nagtatagal ngunit kung ika'y magsisiga upang damdami'y malukuban, marahil ang apo'y hindi mapupusla.
Ang aking huling hiling mahal, sa malamig na gabi nawa'y hawakan mo lamang ang aking mga palad at h'wag isiping ako'y isang panibagong kamalian lamang. Nawa'y sa kalaliman ng gabi h'wag mo sanang ipabatid na ang niyebe sa aking puso'y marapat buhaying muli. Hindi singlalim lamang ng tabo ang aking pag-ibig, sinabi ko na sa iyo ng paulit-ulit. Mahal kita at hindi na nanaising maghanap pa ng iba.
Mahal, sa kalaliman ng gabi at nais mo ng katabi, isang bulong lamang ang agwat at di mag-aatubiling ikaw hagkan at yakapin. H'wag mo akong bitawan sapagkat sa muling paglisan, babalutin na ng kalungkutan. Hindi tulad ng iilan, pag-ibig ko'y hindi panandalian.