Wala namang nagtulak na ito ang piliin
Walang pumilit na ang nais ay sundin
Ni hindi naman sinabing ikaw ay humabol
O patuloy na alagaan ang maling pagsibol
Pagkat sa una pa lang ito'y isang ilusyon
Ng isipang malawak ang dimensyon
Hindi ka nya hinatak patungo sa kanya
Dahil ikaw itong hindi dumistansya
Ni salitang magsasaad ng pagasa ay wala
Ikaw lang itong lubos na naniniwala
Patuloy kang umaasa kahit alam mong mali
Patuloy ang dalangin na ikaw ay mapipili
Kahit paulit-ulit ang sampal ng katotohanan
Ay paulit-ulit mong tinatakpan ng kamalian
Patuloy ang iyong pagngiti sa harap ng iba
Gayong sa likod ng maskara'y puno ka ng luha
Ang kanyang nais sa'yo lahat ay pwede
Desisyon mo'y laging sa kanya nakadepende
Hindi ka ba napapagod na umasa?
Kahit alam mong wala kang pagasa?
Hindi ka ba nanghihinayang sa paglipas ng oras?
Bakit di mo na lang piliing kumalas?
Wag mong sayangin sa paggugol sa kanya
Bagkos hanapin ang ukol na magpapaligaya
Ngunit kahit hawak mo na ang mga sagot
Katotohanan sa sarili'y pilit pa ring ipagdadamot
Pagkat may ligaya sa'yong hatid kahit saglit
Ang mga oras na kayo'y naglalapit
Kaya't sa huli'y wala kang dapat na sisihin
Kundi ang sarili pagkat ikaw ang salarin