Ang Tunay na Yaman
Isang kahig, isang tuka. Ito ang sitwasyon ng mga Pilipinong naghihihakos na maitawid ang kani-kanilang pamilya sa pang-araw-araw na buhay sa ating bansa. Palibhasa ang Pilipinas ay isang bayang bukas sa napakaraming impluwensiya’t pagbabago, mahirap makahanap ng posibleng lubid na maaring kapitan. Marahil, ito rin ang dahilan kung bakit karamihan sa mga Pilipino ay mas piniling lisanin ang ating sariling bayan upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Ito ang katibayan na ang tunay na yaman ng ating bansa ay hindi ang materyal na bagay o kahit na anong yaring may katumbas na pera. Ang tunay na yamang maipagmamalaki ng ating bansa ay walang iba kung hindi ang mga Pilipino.
Mahigit sampung porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ay mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibang bansa. 30% sa mga OFWs na ito ay binansagang illegal aliens dahil wala silang sapat na papeles upang manatili sa bansang pinasukan. Sa nakaraang dekada, Saudi Arabia pa rin ang tinaguriang Top OFW Destination na kinabibilangan ng mahigit kalahating milyong Overseas Filipino Workers. Ang mga numerong ito ay patuloy na tumataas bawat taon at paparami ng paparami ang mga pamilyang nawawalay sa isa’t isa. Itinaya ng mga Pilipinong ito ang kanilang buhay at pangarap upang wakasan ang unos na pinagdadaanan ng kani-kanilang pamilya at tuluyang maiahon sila mula sa kahirapan.
Ang katotohanang ito ay nagpapatunay lamang na ang Pilipino ay isa sa mga lahing handang makipagsapalaran sa pandaigdigang entablado upang maipakita ang tunay na pagka-Pilipino – ang pagmamahal na mayroon ang isa para sa kanyang pamilya. Subalit napakaraming salik din ang walang tigil na nagdudulot ng paghihirap sa ating mga kababayan sa labas kung kaya’t ang nagbabagang adhikaing ito na mayroon ang mga OFWs sa ibang bansa ay pinahahalagahan ng pamahalaan sa maigting na pagpapatupad ng Batas Republika 8042 o mas kilala bilang Migrant Workers And Overseas Filipinos Act Of 1995. Ang batas na ito ang nagbibigay katuturan sa pangangalaga at pagpapahalaga ng pamahalaan sa kabuuang proteksyon at kalagayan ng mga kababayan natin na nasa pangangasiwa ng mga banyaga. Binibigyang halaga rin ng batas na ito ang mga karapatan na mayroon ang bawat Pilipino kahit sila’y nasa labas ng bansa. Bagamat malayo ang mga manggagawang ito mula sa kanilang lupang tinubuan, hindi pa rin sila tinalikuran ng Inang bayan, bagkus patuloy na inaalagaan at prinoprotektahan sa bawat laban na kanilang pinapasukan.
Isang pagwagayway ng kamay sa pag-alis, isang yakap na pagsalubong sa pagbabalik. Ito ang sitwasyon ng mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Sa pagbabalik ay hindi mapapantayan ng mga materyal na bagay o pera ang salitang yaman, bagkus ang tunay na yaman ng ating bansa ay walang iba kung hindi ang mga madiskarte at magigiting na Pilipino.









