Kamatayan, marahil, ang pinakakinatatakutan kong bagay sa mundo. Na kinakailangan kong magtago at yumukod upang hindi ako matagpuan nito.
Pero nang halikan mo ako, tila ba sumakabilang buhay na 'ko. Na hindi lang hanggang langit ang nilipad ko, dahil pinalibutan ako ng mga tala at sinangayunan ng mga mundo. Na tuluyan ko nang naarok ang sukdulan ng buhay dahil sayo. At nang ilayo mo na ang iyong labi ay saka ko lang napagtanto.
Na pag-ibig ay higit pa sa kahit anong bagay na makalupa. Na pag-ibig ang tumutulak sa atin palabas ng karimlan. Na higit na mas matimbang ang lambing ng iyong bisig kaysa sa karit ni kamatayan. Na kahit may sentensiya ang pagiging mortal, ang bawat araw ko nama'y parang habambuhay dahil sa iyong pagmamahal.
















