Lunas sa Kalungkutan ayon sa Anim na Metro ng Escitalopram
Sa bawat paggapang Upang mairaos Ang pang araw-araw Pahinga’y ‘di sapat
Sa’king wastong gulang Ngayo’y dalawampu Nilalamon ako Ng ‘king kalungkutan
‘Ko’y niresetahan Ng saykayatrista Lunas na kailangan Sa’buting halaga
Sampung miligramo Ng Escitalopram Upang guminhawa Aking karamdaman
Kung kinakailangan Kung kulang ang sampu Doblehin ang timbang Dalawampu na lang
Upang umepekto Ang gamot sa utak Hintay ng dalawa O apat na linggo
Ngunit mahirap ‘to Sa mahal ng gamot Mas pipiliin kong Gamot ko’ng mahal mo
Pitompung kilogram ‘Sang daan pitumpu Pitong sentimetro Puno ng pag-ibig
‘Ko’y niresetahan Ng ‘king kasintahan Lunas na kailangan Sa walang halaga
Sampung “Mahal Kita” Ibigay palagi Kasama’ng pagbati Sa umaga’t gabi
Sa kaganapan na Kulang mga sal’ta Sampung halik, yakap Pagtulog, paggising
Upang umepekto Ang gamot sa puso Samahan mo ako Sa’ting habangbuhay
Ito ay sapat na Sa’king kalagayan Para lunasan na Ang ‘king kalungkutan











