Realidad ng Pasko
Ang gaan sa pakiramdam pagmasdan ang mga parol sa simbahan
Habang pumapasok ang mga tao sa pagtunog ng kampana’y
Suot-suot ang kanilang magagarbong kasuotan
Pagtapos ng misa, bibili ng puto’t bibingka kasama ang pamilya
Salamat sa Diyos, tila lahat ay maligaya
Mga hamon at queso de bola’y nakahanda na sa lamesa
Ang bawat isa nama’y nasasabik nang buksan ang kani-kanilang regalo
Mga bata’y nakapila na para magmano kay ninong at ninang
Ilang minuto na lang, ang diwa ng pasko’y mararamdaman na
“Maligayang pasko”, katagang pumalibot sa gabing ito
Iba talaga ang dulot ng pasko sa ibang tao
Ngunit para sa isang katulad ko, ito’y isang pangkaraniwang gabi lamang
Gabi na kung saan kinakailangan paring maghanap buhay
Upang kahit man walang regalo’y hindi naman kakalam ang sikmura
Mahirap man isipin pero ito na ang paskong nakasanayan ko
Habang abala ang iba sa kanilang mga handa, regalo’t pamasko
Ako’y naghihintay nang lumabas ang mga tao sa simbahan
Habang pasakay na ang iba sa kani-kanilang sasakyan
Binibilang ko na kung sapat na ba ang kita para sa isang kilong bigas
Magbabago pa kaya ang pasko kong nakasanayan?
Hinahangad ko rin naman ang magkaroon ng isang maligayang pasko
Pasko na hindi ko na kailangan isipin kung mayroon bang kakainin
Pasko na hindi ko na kailangan pang maghanap buhay
Pangarap ko na madama ang tunay na diwa ng pasko
Pero hayaan mo na nga, libre lang naman mangarap













