WAMPORT: Isang Mapanghugot Na Pananalaysay
Wamport, o one-fourth o di kaya'y ¼ – Ayan, ayan yung papel na ginagamit namin na pinapagsusulitan dati.
Dahil sa makabagong panahon, naging cattleya filler na ang pinagkukuwisan namin ngayon.
Nakatutuwang isipin na nagbabago-bago ang panahon at henerasyon.
Parang yung isip ko na nababaling na sa ibang bagay, ‘di na nakatuon sa'yo.
Ay mali, hindi pala, parang yung isip ko pala na nababaling sa mas magagandang bagay, hindi na sa nakaraan.
'Mapait ang nakaraan, matamis ang bukas.’
Bilang estudyante sadyang magkakaroon tayo ng mga mapapait na karanasan.
Nagkaroon narin ako ng mga karanasang tulad niyan, mga mapapait.
Tulad ng pagkagising palang ng umaga, kita mo ang orasan, leyt ka na. May pagalit pang kasunuod iyon pagkarating sa geyt ng eskuwelahan, 'At bakit ka nanaman leyt ha?!’, ayan ang tanong.
Walang takdang-aralin. Wala kang ginawa buong maghapon, o di kaya'y nalimutan mo lang talaga. Mapait itong karanasan na ito, pagalit nanaman sa'yo ito! HAHAHA!
Wala kang bolpen o kaya'y papel; pahiram naman ng bolpen diyan, ililibre naman kita mamaya e o di kaya'y pahingi ng papel yung wamport sabi ni ma'am wamport daw e.
Ayan nanaman si wamport, lumitaw nanaman siya. Minsan si wamport nakukuha pag nandiyan si wanhul, si krosways o kaya si lengkways.
Pero sila wanhul, krosways, at lengkways ay di mabubuo ni wamport, kailangan pang pagkabit-kabitin.
Wamport, minsan parang yung iniisip mo, nagsisiksikan sa isang maliit na papel; Madalas yung papel, yan si wamport.
Bilang isang estudyante, napapadaan tayo sa lablayp. Minsan nasisiyahan at kinikilig, madalas nasasaktan.
Kaya naman itong si wamport, isipin natin na siya ay isang lablayp.
May iba’t-ibang paraan para magkaroon ng wamport.
#1. May wamport ka?
Oo, meron akong wamport? Hihingi ka ba? O eto oh. Maging mapagbigay sa mga taong dapat bigyan. Ibigin ang mga dapat ibigin, ang mga karapat-dapat at seseryosohin.
#2. Ako din, pahingi.
Sige, bibigyan kita, isa lang, wag mo ng uulitin. Last na to. Minsan ng nasaktan, minsan nang nakatikim. 'Wag mo nang uulitin
#3. Pahingi nga ng wamport diyan, may kwis daw tayo. Uupakan kita e.
Bilang estudyante, dapat na matutunan natin na hindi lahat ng bagay hinihingi-hingi nalang. Dapat pinaghihirapan, pinagsisikapan, pinagtitiyagaan.
Bilang estudyante kailangan nating maghirap, magsikap, magtiyaga. Hindi yung papetiks-petiks lang! Maging mahinahon ka, mapagpasensiya, wag kang mambibigla. wag kang mamilit, wag mong pilitin. Maghintay sa tamang panahon.
#4. May wamport ka pa?
Meron pa, gusto mo ba talaga? Ibibigay ko ito sa mga dapat-bigyan, ngayon nag-iisip na ako.
#5. Ako isa pa.
Huyy wag kang abusado huuuy. Minsan nang nasaktan, wag mo nang ulitin pa.
Di ko na kaya pa, di na kita mabibigyan pa ng wamport na iyong hiling.
Minsan nga ay itong si wamport ay kinakalimutan na lang.
Na yung parang pag nabanggit na – May lovelife ka ba? ang sagot mo ay ano 'yun? pagkain ba 'yun?
Ang pamita mo, ang bitter mo naman HAHAHA :)
Nandiyan naman daw kasi sila wanhul, sila krosways, at lengkways kaya okay lang daw.
Bilang estudyante, mapapasangkot ka talaga sa lovelife.
Ngunit, gawin itong motibasyon, isang inspirasyon na hindi magtataboy sa iyo o magbibigay hadlang sa iyong pagsusumikap sa pag-aaral.
Bilang estudyante, magkakaroon tayo ng mga kapaitan sa buhay, sabi ko nga kanina.
Dapat nating isipin na mapait ang nakaraan, matamis ang kinabukasan hindi yung mapait ang kahapon, mas mapait pa ngayon.
Siguro mapapasabi mo na lang sa kanya na'Mahal KIta.’ Sorry ka nalang kasi mas mahal pa yung 'pampamatrikula’,
Kaya naman ang masasabi ko na lang ay ARAL MUNA TAYO, HUY!