Noon, sinabi mong hindi mo ko pababayaan
Ngayon, bakit mo ako iniwan?
Dati, marami tayong plano,
Ngunit ngayong wala na tayo, paano?
Paano na ang mga bagay na pinangako,
Itatapon na lang ang lahat dahil tuluyan nang napako,
Ang hirap naman kasi sa'yo,
Pinaniwala mo kong walang hanggan ang pagsuyo.
Noon, akala ko kaya natin,
Ngayon, ayoko nang pilitin,
Dati, bukambibig mo'y 'mahal kita'
Ngunit ngayong meron ka nang iba, Paano?
Paano na lang ang mga pinagsamahan,
Mga masasayang pinagsaluhan,
Ang hirap naman kasi sayo,
Ang lakas mong magpaikot,
At sa dulo'y ibabaon mo na sa limot.
Di ka ba nanghihinayang sa lahat?
Na sana umayon ang tadhana,
Na sana ikaw na nga ang itinakda.
Siguro maluwag ka nang nakakahinga
Pero kung ako ang tatanungin,
Hiling ko lang, sana nalulungkot ka rin,
Na nagdurusa't nagsisisi ka
Gaya ng pagkalugmok ko gabi-gabi
At pagkukunyaring totoo ang ngiti sa mga labi.
Pero kahit na ano pang sabihin ko,
Hindi na rin naman maibabalik ang pag-ibig mo,
Hindi ko na rin gugustuhin pang ipagsiksikan
Ang pag-ibig na iyo nang sinukuan.
Matagal na kong naghahabol,
Napapagod na rin akong humagulgol
Sa harap mo, sa mga kaibigan ko,
Pati na sa tuwing mag-isa ako sa kwarto.
Ayoko nang may luha pang papatak
Dahil sa puso kong dinurog mo't pinahamak.
Sawa na kong magpaka-tanga sa pag-iyak
Sa kaka-pilit sayo't kakatulak,
Pabalik sa akin, pabalik sa atin,
Sa tahanang sabay nating binuo,
Gamit ang bawat yakap at halik sa noo,
Bawat ngiti at tinginang masuyo,
Bawat palitan ng tawa at matatamis na salita.
Paano bang makalimutan ka,
Nang hindi ka naiisip sa tuwina?
Sa mga oras na nagpapaka-abala,
Pinipilit kong iwaglit na
Sa utak ko ang mga alaala,
Pero hindi madaling limutin ka,
Dahil higit sa utak, nasa puso kita.