Pinoy Central TV (PCTV) Chatroom: 2001-2005
(Paunawa: Ang post na ito ay puno ng aking personal na “kajejehan”.)
Nitong mga nakaraang linggo, napag-usapan namin ni Rei sa Plurk ang tungkol sa PinoyCentral TV Chatroom (PCTV Chatroom). Ang PCTV ay isang cable channel na pag-aari ng ABS-CBN at tumagal sa ere magmula taong 2001 hanggang 2005. Isa itong paraan ng pagchachat na imbis na internet at computer ang kaharap mo ay cellphone (na may load syempre) at cable TV ang kakailanganin. Noon namin nalaman na pareho pala kaming PCTV chatter. Medyo hindi nga lang kami aware noon dahil siguro, mas nauna siyang magregister sa PCTV kesa sa akin at medyo hindi naman talaga kasi ako masyadong aktibo kung makipagchat dito.
Kung tutuusin, hindi sinasadya ang pagkakadiskubre ko sa PCTV. Taong 2003 ‘yon. Pag-uwi ko ng bahay galing sa eskwela, nanood ako ng cable. Palipat-lipat. Hanap ng magandang palabas. Hanggang sa mapadpad ako sa channel na above 50 na. Dito madalas 'yung cable channel na puro programa na ng iba’t ibang nasyon ang mapapanood tulad ng Koreano (Arirang), Bumbay, Hapon (WOWOW! Ang bold ng mga Hapon!), at ilang local channels mula sa ating bansa. Aksidente kong napindot ang remote sa PCTV. Ang una ko talagang napansin dito ay ang kanilang music videos. Dahil bukod sa basketball ay MTV ang bukod tanging pinapanood ko noon, naengganyo akong tumutok sa PCTV.
Lumipas pa ang ilang linggo ng pagtutok bago ko napansin ang chatroom sa gilid ng music videos sa PCTV (makikita sa ikalawang larawan ang isang halimbawa ng typical PCTV screen). Natuwa rin akong magbasa ng mga mensahe ng chatters doon. May mga nagkakamustahan, may mga nakikipag-away, may mga nagpapaskil ng cellphone numbers at naghahanap ng textmates, may mga naglalandian, at kung anu-ano pa. Tipikal na chatroom, ika nga. Pero sa totoo lang, hindi pa ako aware na 'yun pala ang chatroom. Medyo late ko nang nadiskubre ang Yahoo! Messenger at Chatroom nito. At sa madalas kong pagbabasa ng mga mensahe sa PCTV, naengganyo tuloy akong mag-register sa chatroom na ito. Tinipa ang CREG <space> <*chat nickname ko na nakalimutan ko na dahil isang araw ko lang ginamit*> at sinend sa pamosong 2366. At voila! Pwede na akong makipagchat gamit ang cellphone.
Ang punto ko siguro ng pagsali sa PCTV Chatroom noon bukod pa sa pagbabasa ng mga mensahe ay para makita ang text message ko sa TV screen. Bata pa lang ako noon at masaya na ako sa mga simpleng bagay na tulad nito. Medyo hindi pa nga ako masyadong naadik sa pagchachat noon sa PCTV. Minsan, ayos na sa akin ang magsend ng isa o dalawang text message sa isang araw (sayang din ang ₱2.50 ko!). Tapos halos wala akong ka-chat doon. May sariling mundo ako kumbaga. Kung mag-text man, simpleng “hello” at “bye” lang, makita ko lang 'yung chatnick ko sa TV screen. Kaya patunay lang ito na noon pa man ay medyo may pagka-introvert na ako (ano daw?).
Hindi ko talaga alam kung bakit masasabi kong naadik ako noon sa PCTV. Siguro dahil sa music videos. Pwede rin dahil sa interface nito. O kaya'y mga side events tulad ng promos at games. O kaya'y pakikipag-sosyalan sa mga kapwa ko chatters. Pero ilan sa mga naaalala ko sa PCTV Chatroom ay ang mga sumusunod:
Chat Nicknames/Colors. Kung ihahalintulad natin ang PCTV sa Tumblr, malamang sa alamang eh walang makakakilala sa akin. Halos linggu-linggo kasi ako kung magpalit ng chatnick sa PCTV. Nagsimula ako sa (nakalimutan ko na 'yung unang chatnick ko na isa o dalawang araw ko lang ginamit). Nasundan pa ito ng Warjetzz, Gungrave, Phantasma (ito ang pinakapaborito ko dahil dito ako nagkaroon ng maraming kaibigan at dito ako nakilala LOL), Hitman, Enclave, at Superfly. Pero saan ko nga ba nakuha ang mga chatnicks ko? Nakuha ko sila sa Tips & Tricks, isang magazine ng mga cheats at codes ng iba’t ibang video games (sa makatuwid, mga titulo ng video games ang chatnicks ko). Sa totoo lang, random lang ang pagpili ko ng maaaring gawing chatnick noon. Basta’t astig sa pandinig, okay na, kahit wala akong kaalam-alam sa larong 'yon. At para mas cute, maaari mong palitan ng kulay ang chatnick mo, imbis na gold lang (default color). Merong light blue, orange, red, gray, violet, pink, yellow at beige. Buhay makulay!
Typical Messages. Dahil minsan lang akong magtext sa PCTV Chatroom, halos hindi na nagbago ang formula ko sa pagchachat. Sinisimulan ko ng pagbati: “Eow, gud PM!”, kasunod ang pagbanggit sa mga chatters na kasalukuyang naka-monitor sa PCTV sa mga oras na 'yon. Wala lang, gusto ko lang silang batiin kahit hindi ko sila ka-close. (see PHANTASMA’s text message on the third picture)
TV Chatroom Terms. Kung sa Tumblr ay nauso ang “what is air”, “hnnng”, “srsly”, at iba pa, sa PCTV naman nag-ugat ang “logging in” (kapag unang beses mong magchat sa araw na 'yon; palatandaan para malaman ng chatters na nakatutok ka na sa PCTV), “logging out” (kapag aalis ka na; katumbas din ng “GTG” o “AFK”), “NOMO” (“No Monitor”; ibig sabihin, hindi ka nakatutok sa iyong TV screen sa mga oras na 'yon), “karir” (“career”; ibig sabihin, karelasyon/ka-fling/kalandian), “agimat” (pinaka-unlitext sa PCTV noon), at marami pang ibang mga salita.
Text Chatroom Clans. Sa puntong ito, sigurado akong alam ninyo ang ibig sabihin ng “clan”. Noong kapanahunan ng PCTV, iba’t ibang clans ang umusbong. Nariyan ang Rush, Shadow Gold Heartz (bwahaha), ang clan ng mga rakista na Death Incorporated (Death Inc.), Sociable Generation (SocGen), ang clan ng mga karerista na Group R, ang pamosong True Brown Style (TBS), Tropang Pasaway Tropang Walalang (TPTW), at marami pang iba. Medyo hindi ako sumasali sa clans noon. Kaso, kapag nagpopost ako ng cellphone number eh maraming nagtetext sa akin at nirerecruit ako sa kanilang clan. Para sa kaalaman ng lahat, miyembro ako noon ng “Shadow Gold Heartz” (natatawa talaga ako sa pangalang 'to) at 'yung isang clan na nakalimutan ko na ang pangalan. Pero hindi ako nagparticipate sa mga eyeball o EB noon. (see GUNGRAVE’s text message on the third picture)
PCTV Pioneers. Kung merong Tumblr Famous ngayon, meron namang PCTV Pioneers noon. Pero taliwas sa nakasanayang pagdedeny 'kuno’ ng mga Tumblr Famous, kung PCTV Pioneer ka, kailangan ay maging proud ka. Ipagmayabang mo na PCTV Pioneer ka by making a tag: <PCTV PIONEER> o kaya <PCTV CHATTER SINCE JANUARY 1 2001>. Sa ganitong paraan, hahangaan ka ng mga kapwa mo chatter, lalo na ng mga PCTV Newbies. Kumbaga, mataas ang tingin ng lahat sa iyo kung PCTV Pioneer ka. Sinu-sino nga ba ang PCTV Pioneers noon? Hindi ako sigurado dito pero ang alam ko, nasa listahan ng pioneers sina Hemoglobin, Red Marlboro, Sexychiq, Stepipay, Sexyhalay, Bishop, Jasrac, Marc Logan, Kalai, Chintz, Sexycandy, Lil Enzo (ang hari ng mga Jejemon), at iba pa. Ako? Hindi ako pioneer dahil 2003 na ako nag-register.
PCTV Textjocks. Sila ang moderators ng chatroom. Kung merong Disc Jockey (DJ) at Video Jockey (VJ), syempre meron din sa chatroom. Apat lang na TJs sa PCTV ang pamilyar ako: Sina Textjock Geri (babaeng kalog kausap at mahilig sa “ehehheh”, pero sa tingin ng karamihan eh lalake ito), Textjock Thursday (babaeng sweet kausap at sexy sa chat pero chubby siya), Textjock Lio (lalakeng version ni TJ Thursday), at si Textjock Emer (pinaka-boring na TJ dahil walang kwenta kung magreply; puro ok, bye, mwah, eow at iba pang ga-utot na salita). Sila lang sa chatroom ang bukod tanging kulay gold ang fonts.
PCTV Games. Bukod sa music videos, sa PCTV Games talaga ako pinaka-nahumaling. Lumalabas ang games sa gilid ng screen, katabi ng text box at nasa ilalim ng music video (makikita sa ikalawang picture). Merong apat na uri ng PCTV Games: Xpot (mala-sudoku siya, itetext mo lang ang code ng box at makaka-earn ka ng points kapag may bonus ang box na 'yon, basta parang ganoon), Brainsalad (multiple choice trivia question), Math-Tinik (multiple choice math question), at 'yung isang game na nakalimutan ko na. Ano nga ba ang silbi ng games? Kapag nag-top score ka sa isang laro, magiging pink/green/orange/blue ang kulay ng chat message mo sa loob ng isang araw. Hindi ito normal dahil ikaw lang na top scorer ang magkakaroon ng pribilehiyong ito. (see CHATNICK’s last three messages on the third picture for example)
Sa kasamaang palad, naglaho nang parang bula sa cable TV ang PCTV Chatroom dito sa may Camanava area simula taong 2004. Pinalitan ito ng Camanava TV o CVA. Simpleng text chatroom lang ang CVA. May music videos sa kaliwa, may chat box sa kanan. Tatlo lang ang kulay ng chat message na pwede dito – red, blue at green. Pero ang maganda dito, merong animated emoticons na pagpipilian kaya cute kapag nagchat ka. Nang maglaho din ang CVA, kasabay nito ang pag-usbong naman ng Friendster.
Kasabayan ng PCTV noon ang iba pang text chatrooms tulad ng Cyber Myx, Link TV at Txtube ng GMA 7 (makikita sa ika-apat na larawan). Masasabi kong ang PCTV ang nagbukas ng mga pintuan para sa akin sa mga social networking oink-oink. Nang malaos kasi ang PCTV at CVA (mga mid-2004 ata 'yon, hindi na rin ako nagchachat noon), nauso naman ang Friendster. Pagkatapos, nauso ang Facebook, Plurk, at kung anu-ano pa. At nito ngang mga huling buwan ng 2009, nadiskubre ko naman ang Tumblr. Kaya maaaring sabihing utang ko sa PCTV ang lahat ng pakikipagsosyalang alam ko gamit ang teknolohiya (kahit na may pagka-antisocial ako).
Lahat naman siguro tayo eh dumaan sa tinatawag na “Jejemon Stage” at maaaring hindi tayo aware noon. Hindi man ako ~*nA6t3+eXt n6 g4n1t0h fph0UxSz*~ noon at hindi man ako ganoong ka-aktibo sa text chatroom, sa pagsali ko pa lang sa PCTV ay masasabi kong minsan sa buhay ko ay nagpakajologs rin ako kahit paano.
(Naisip ko lang, meron kaya ditong PCTV chatter din? Sa palagay ko, wala dahil walang makakarelate sa kwento ko ngayon. Bwahaha.)