Sa may Commonwealth Avenue...
Isang umaga, sa aking paglalakad patungo sa aking pamantasan (Unibersidad ng Pilipinas), napagpasyahan kong sa may Ylanan Gate dumaan. Mahuhuli na kasi ako sa klase, mahigpit pa naman sa oras ang Propesor ko sa Archaeology 2. Mas mabilis kung sa Ylanan Gate ako dadaan kumpara sa kung Philcoa ang tatahakin kong ruta. Sa pagbaba ko sa overpass, napatingin ako sa malalaking karatulang nakadikit sa may bakod ng UP. Bawal daw magtapon ng basura. Mayroon itong multang nasa mga isang libong piso rin naman. May parusa ring pagkakakulong. "Aba", sabi ko sa aking isipan. Mabuti naman at naiisipan nilang maglagay ng mga ganitong paalala.
Subalit sa pagtingin ko sa may ibaba ng mga karatulang ito, samu't saring basura ang aking nakita. May supot na pinaglagyan ng softdrinks, may balat ng kendi, may balat ng sitsirya, may upos ng sigarilyo, at kung anu-ano pa. Napa-palatak na lang ako sa'king sarili. Oo nga't may batas, may utos, may paalala. Subalit nasaan ang implementasyon? Ano ba namang maglagay ng isang pulis sa may dakong iyon para magbantay? Isa lang. Isang pulis lamang. O di kaya'y MMDA officer. Kaya naman siguro niyang mabantayan ang kahabaang iyon; wala namang sagabal sa paningin.
Maliit na bagay pa lang ito. Basura pa lamang ang usapan. Paano pa ang malalaking batas? Isang dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad ay dahil kulang tayo sa tamang implementasyon ng batas. Subalit hindi naman natin dapat isisi ang lahat sa gobyerno. Tira tayo ng tira kay P-Noy. Tira tayo ng tira sa administrasyon. Kung anu-anong panlalait at pambabatikos ang ating ginagawa. May mga ratings at gradings pa tayong nalalaman. Pero ang mga sarili natin, nabatikos na ba natin? Nabigyan na ba natin ng ratings ang sarili natin bilang mga mamamayan sa bansang ito? IKAW, GINAGAWA MO BA ANG BAHAGI MO SA LIPUNANG ITO? Bago tayo mambatikos, bago tayo magreklamo, siguraduhin muna nating tayo mismo ay walang pagkukulang. Siguraduhin muna nating nabatikos na natin ang ating sarili. Siguraduhin muna nating malinis ang daliring ipanunuro natin sa administrasyon at sa lahat ng ating binabatikos.
UMUSAD NAMAN TAYO, MGA KAPWA KO PINOY.













