Minsan, naisip mo ba kung bakit tinawag na PAHINGA ang pahinga?
Wala lang. Naisip ko lang din kanina habang naglalaro kami ng kapatid ko ng basketball. Mag-iisang oras na kaming takbuhan nang takbuhan sa court. Punta dito, punta doon. Shoot dito, shoot doon.
Hanggang sa dahan-dahan na kaming nakaramdam ng pagod. Tagaktak na yung pawis namin mula ulo tapos dumadausdos na 'yon pababa sa mukha.
Kung maririnig lang yung sigaw ng mga katawan namin na: "Oy! Tama na yan. Saglit lang. Taympers." Eh siguradong may kasamang mura na 'yon 'pag nagkataon.
Napaupo ako sa gilid. Bumili ng "Iced Tubig" tas sabay pahinga.
Nakakatuwang isipin yung konsepto ng salitang pahinga. Yung tipong kapag alam mong dinatnan na ng pagod yung buong pagkatao mo 'e ito yung sasabihin mo.
Pahinga. Parang humihingi ka ng pahintulot sa mundo na itigil muna sandali ang mga bagay-bagay sa paligid mo para makahinga ka.
Pa-HINGA. Para makalasap ng hangin. Dahil alam mo at ramdam mong kailangang-kailangan na ng katawan mo ang hangin. Sa sobrang pagpapagal ng katawan mo 'eh nasaid yung mga inimbak mong hangin sa katawan.
Pa-HINGA. Para makahingi ng kaunting lamig. Dahil alam mong nag-iinit na yung buo mong pagkatao. Ramdam na ramdam mo kasi yung init na inilalabas ng katawan mo kapag huminto ka. Para kang may built-in heater sa loob ng katawan. Kaya ang sarap sapakiramdam na may malamig na hangin na bumabalot at dahan-dahang yumayakap sayo para pawiin yung init na nararamdaman mo.
Pa-HINGA. Dahil ang katumbas ng pagbibigay ng hininga ay ang pagkakaroon ng buhay. Binibigyan mo ng pagkakataon ang naghihingalo mong katawan na mabigyan ng buhay. Dahil nanghihina ka na. Ninanakaw na ng paligid ang natitira mong lakas. Nag-aagawan na ng pwesto ang pagsuko at paglaban, at nasa pagitan ka nilang dalawa.
Pa-HINGA. Para bigyan ang sarili mo ng pagkakataon na makapag-isip at makalaya panandalian sa bagay na bumabagabag sa'yo. Kumbaga parang pinalabas mo muna saglit sa conference meeting yung puso, utak, dugo, iba mo pang organs (internal at external) at ang kaluluwa mo. Para makahinga sila nang maluwag. Para kahit paano, gumaan ang paligid. At para gumaan ang pakiramdam niyong lahat.
Anuman ang pasikot-sikot, ginawa ang salitang pahinga para bigyang kasagutan ang nararamdaman mong pagod.
Kaya kung napapagod ka, wag kang mahiya o magdalawang isip na humiling sa mundo ng kaunting pahinga.
Dahil paminsan-minsan kailangan mo lang munang bigyan ng kaunting oras ang sarili mo. Kailangan mong bigyang pansin yung pagod na nararamdaman mo.
Kailangan mo lang munang huminga.
Kailangan mo lang munang makahinga.
Kailangan mo lang muna ng pahinga.