May payslip na!! Pasikretong sinabi saken ng isang kaopisina ko. At dahil living a la pobre na ako ay nagmadali naman akong nagcheck ng payroll. Sa sobrang excitement ay parang akong bata na nagbubukas ng regalo. Pero mailap ang regalo, ilang higante at barang at kapre at tikbalang ang aking ginapi bago ko tuluyang masilayan ang pinakahihintay kong sueldo! At voila! Tumambad saken ang aking pinaghirapan ng pawis at dugo sa loob ng dalawang linggo. Napangiti ako. Satisfied ako sa mga numero na nakapaloob sa payslip. Maya maya pa ay pinalitan ng panlulumo ang ngiti na kanina ay abot sa dalawang tenga. Hindi ko akalaing matapos kong magapi ang kampon ng kadiliman sa pagbubukas ng payslip ay nagtagumpay pa rin ang kasamaan! Doon sa breakdown ng sueldo ay makikita ang karimarimarim na katotohanan. Gusto kong himatayin sa mga sandaling ito. Ang mga bawas na hindi inaasahan, ang tax ay nakakalula! Dyusme, bakit naman ganito ang kapalaran? At ako ay hinimatay, naglakbay ang kaluluwa sa mga pahina sa internet sa mga pangyayari sa kasalukuyan sa bansang hirang. Mga iskwater sa syudad, mga kapwa mangagawa na kulang ang sahod, mga daan na baku bako, mga paaralang kulang kulang, mga bata na hindi makapasok sa eskwela, ang problema sa sanitasyon at basura, ospital at kumakalam na sikmura, ang kalikasang nananaghoy, at marami pang iba. Ito ba ang pinupuntahan ng buwis na kinakaltas sa tulad kong manggawa kada kinsenas at katapusan? Kung ito nga ang realidad, mamatay na lahat ng buwaya sa gobyerno! Buong buhay ko akala ko ako ay salot sa pagiging kulot, yun pala ang mga totoong salot ay ang mga kurakot!