Doon ako sa likod dumaan dahil alam kong doon sila lahat nagkukumpulan sa harapan ng simbahan. Pero nagkamali ako ng akala dahil marami rin palang tao maging sa likuran.
Katatapos lang ng aming selebrasyon ng kapaskuhan. At dahil nga ako'y natugtog at bahagi sa pagsasaayos ng programa ay palagian akong pagod sa mga ganitong panahon. Balak ko sanang umakyat sa itaas at magpahinga muna. Pero dahil uwian na rin naman ay napagpasyahan kong magpaalam muna bago tuluyang magpahinga.
Masaya ako tuwing may ganitong okasyon. Nakakatuwang pagmasdan yung mga ngiti ng mga taong bahagi ng buhay ko ngayon. Nakakatuwang isipin kung paanong hindi naman kami magkaka-dugo pero kami ay isang masayang pamilya.
Nagmano ako sa mga nakatatanda at nagpaalam sa mga uuwi na. Nakikipag kuwentuhan ako sa mga nagpasyang magpaiwan nang biglang may isang batang lumapit sa akin. Nakakapit siya sa kanyang nanay. Kilala ko siya pero hindi ko alam ang pangalan. Isang bagay na ikinalulungkot ko pero hindi ko naman kayang laging tandaan ang lahat ng mga pangalan dahil noon pa man ay ang pagiging makakalimutin na ang isa sa aking mga kahinaan.
'Kuya Jerome, idol po kita.'
Nagulat ako sa kanyang tinuran at ang tanging nagawa ko lang ay ang himasin ang kanyang ulo at magpasalamat. Narinig pala iyon ng aking kapatid at tinanong yung bata kung bakit. Nang-aasar lamang ang kapatid ko pero nais ko rin talagang malaman ang kanyang sagot. Pero sa pagkakataong iyon ay yumakap na siya sa kanyang nanay at itinago ang mukha dahil sa hiya.
Hindi ko na nalaman kung bakit. Pero kung meron man akong napagtanto, iyon ay yung katotohanan na laging may nakatingin sa iyo. At minsan ay mga bata ito. Mga mumunting matang nakatingin sa mga kilos mo. At magiging responsibilidad mo na lalo pang isaayos ang buhay mo.