Thirty Minutes. Maaga papala ako.
Sa dinami dami naman kasi ng pwedeng hilingin ng kuya ko sa birthday niya, ito pang mag audition ako sa teatro ang naisip. Hindi ko alam kung gusto ba niya akong i-motivate o sadyang pang-asar lang talaga siya at gusto niya kong makitang mapahiya o mag back out ulit. Alam ko na para sa iba, exciting maging parte ng teatro. Pero para saakin na noon pa man, kahit gaano subukan ang pag te-teatro, ang pag arte sa entablado, hindi parin matangal ang pakiramdam na parang pinapakain ako ng isang libong paru-paro. Feeling ko na je-jebs ako every five minutes.
Isang play. Isang college play lang ang sinalihan ko, pero akala na ng kuya ko, kayang kaya ko na. Oo, mahilig akong manood ng mga play, ng mga performaces, at oo, makailang beses kong sinubukan ang pag au-audition, pero never pa ako tumuloy. Hanggang sa palagi na ako inaasar ng kuya ko na ‘BB’ o ‘ Boy Backout’, dahil nga pupunta ako pero ilang minuto na lang ng audition, tsaka ko maiisipang umalis.
Ewan ko ba. Nauunahan ako ng takot. Nauuhan ako ng hiya. Pakiramdam ko hindi ako good enough. Palagi kong naiisip na may mas magaling saakin. Ayokong pagtawanan. Ayoko ko rin ma-criticize. Minsan sinabihan ako ng kuya ko, ‘Kalalaki mong tao, duwag ka!’. Eh ano magagawa ko? kahit naman lalake ako, nanginginig parin ang tuhod ko.
Twenty five minutes. Diyos ko lord! Bakit napakabagal ng oras. Madami dami narin kami. Pero bakit parang hindi sila kinakabahan? Bakit parang gusto ko ng umalis.
“Good morning everyone! I am Claire, and welcome sainyong lahat. In five minutes mag uumpisa na po akong tawagin ang mga mag au-audition. Please, paki ready lang po ang mga stubs ninyo. “
OMG! ito na! shet! Anong gagawin ko? teka, may oras pa. Pwede pa kong umalis. Hindi naman ako siguro yung unang tatawagin. Naku, Lord! Bakit ba ako nandito. Badtrip ka talaga kuya!
“Mr. Francis James Reyes?”
Teka, pangalan ko ba yun?
Shet! Ako ba yung tinawag? Pangalan ko nga ba?
“Is Francis James Reyes here?”
Ako nga ata yun. Anong gagawin ko. Parang nahihilo ako. Nasusuka. Nahihilo at nasusuka.
“Wala ba si Francis Reyes? Last call ko na ‘to.”
“He’s here!” napatingin ako sa katabi ko, tinitigan ko lang siya.
“Itaas mo na kamay mo, dahil kung hindi ako ang magtataas niyan!” pabulong na sinabi sakin ng katabi ko.
Hindi ko alam gagawin ko. Hindi ko rin alam sasabihin ko. Lord, gusto ko na po umuwi.
“Okay, please come forward and give me your stub.” Sabi ni Claire.
Parang ping pong ang mata ko. Titingin kay Claire tapos titingin sa katabi ko. Tapos titingin sa pinto. Aalis na ko.
“Hello? Bingi ka ba? Tinatawag ka na!” sabay hawak at taas niya ng kamay ko.
“Paano mo nalamang ako si Francis?”
“Stub mo. Kanina mo pa hawak. Tsaka kanina ka pa tulala diyan eh. May sakit ka ba?”
“Ah eh, wala. Medyo kabado lang. Sige.” Tumayo na ako. Wala na akong choice. Patay! Minamalas ka nga naman! Pagtayo ko, napatingin ako sa stub na hawak niya. Kimberly Bautista.
Ito na. Parang gusto kong sumuka. Parang gusto kong sabihin na sorry pero hindi ko kaya.
Pagpasok ko sa kwarto, may dalawang babae at isang lalake na naka upo sa isang mahabang lamesa. May video camera sa gilid at nakatayo si Claire.
“Are you ready?” Tanong ni Claire.
“Alright. So, Francis, This is Ms.Tere ang direktor natin, Ms.Cha ang isa sa mga Managers and si Sir Gelo, isa sa mga lead actors natin.”
Napatitig ako sa kanilang tatlo. Feeling ko kakainin ako ng buhay ng tatlong to. Mata pa lang mukhang mga seryoso na. Walang bahid ng pag jo-joke sa mga mukha nila.
“Hi! Good morning. Please introduce yourself.” Sabi ng babae sa gitna. Mukhang mapapalaban ako sa English.
“Ahm. Hello. My name is Francis James Reyes, Ahm, but you can call me Francis. Ahm. I’m twenty five years old. Ahm. Ahm. I am from Quezon City.”
Sabay yuko. Marumi na pala ang sapatos ko. Kelan ko nga ba huling nilabahan ‘to? Bumili na lang kaya ako ng bago. Siguro black--
“Are you okay, Francis? You look pale, are you sure you’re ready for this?” Tanong ng lalake sa dulo.
“Opo, Sir. First time ko po kasi. pasensya na po.” Uwi na ako. Gusto ko ng Umuwi. Pwede bang umuwi na?
“Claire, can you please call the next one? Mukhang hindi pa ready ang isang ito.” Sabi ulit ni Sir Gelo.
“Okay ka lang ba? Wag kang mahihimatay ha. Ang aga aga. Sige na. Lumabas ka na muna. Uminom ka ng tubig. Baka sayo pa uminit ulo ni Sir Gelo. Sabihan mo ko kung ready ka na tapos tatawagin na lang kita ulit.”
Tumango na lang ako. Hindi ko alam bakit parang nawalan ako ng sasabihin at pati pagsagot walang lumalabas sa bibig ko. Pag upo ko nilapitan ulit ako ng katabi ko kanina.
“Ang bilis mo naman. Tapos na? Ano, Yey or Ney?” Sabay senyas ng thumbs up at thumbs down.
“Ha? Hindi. Hindi ko pa alam. Sabi lumabas daw muna ako.”
“I look pale daw. Baka daw hindi pa ako ready.” Sabay punas sa pawis ko. Hindi naman ako tumakbo at mukhang air-con naman dito pero tagaktak ang pawis ko.
“Aah. Mukha nga eh. Kulang na lang himatayin ka. Relax ka lang kasi. Audition lang naman ito, hindi ka babarilin sa Luneta. Kainin mo nalang yang hiya mo. Pati narin ang kaba mo, kasi kung magpapadala ka sa takot, nga nga ka!”
LANG?! anong sabi niya? Audition lang?! Lakas din pala ng loob nitong babaeng to. Medyo mahangin.
“Actually, may importante akong appointment ngayon. Hindi na siguro ako tutuloy. Good luck na lang sayo.”
Sabay tayo at labas ng pinto. Boy Backout. Legit na talaga na ako si BB. Patay nanaman ako kay Kuya pag uwi ng bahay.