Papasok ako work para lang mag sign ng papers. Wala naman talaga ko plan sana umalis kasi di naman urgent. Inayos ko date ng wristwatch ko kasi di ko siya nasusuot kaya di updated yung date. 13th of the month.
Nagmotor na ko at umalis. Kakaalis ko palang ay naramdaman ko na para akong gumewang. Makalipas ang 30minutes at malayo na ko ay may natanaw akong tuta sa gitna ng kalsada sa bandang kaliwa ko. Sa harap ko naman ay may mabagal na nagmomotor. Tinantya ko gagawin ng tuta kung tatawid ba siya or hindi. Nung nakuha ko na hindi siya tatawid ay dumerecho ako. Ang hindi ko natantya ay yung nagmomotor sa harapan ko. Sumalpok ako sa kanya.
Ang mali ko dahil iniwasan ko yung tuta at nakita ko na mabagal siyang magpatakbo ay tinangka ko mag overtake. Mali dahil sa kanan ako nag try lumusot. Which is dapat sa kaliwa na di ko nagawa kasi iniwasan ko tuta. Kaya pala siya mabagal ay nagmemenor siya at liliko sa kanan. Di ko kasi alam na may eskinita pala dun at di ko alam na liliko siya kasi di siya nag hand signal at wala siyang signal lights.
Ang tama ko ay sa gitna ng motor niya at napuruhan ko binti niya. Hindi siya natumba kasi di naman ganun katulin takbo ko. Ako yung nabuwal, tumama sa pader at humandusay sa daan.
Naipit hita at braso ko. Nagkasugat din ako sa tuhod. Nasaktan ako at pakiramdam ko na naging kawawa ako. Hilo pa ko at madilim ang paningin nung bumangon. Nasabihan ko siya na, "boss, di ko kasi alam na liliko ka at wala kang signal light". Mali. Kasi kasalanan ko pa rin kaya dapat humingi na lang ako ng pasensya. Kasi nasaktan ako kaya yun agad nasabi ko. Sinabi ko pa na di naman ganun katulin takbo ko kasi di ka naman nabuwal.
Pinaliwanag ko side ko at sinabi niya kanya. Kaso di ko nagets na di na pala niya nagustuhan yung unang sinabi ko kaya sinabi niya na tumahimik na lang ako. Medyo nahimasmasan na ko nun at naisip na sarado utak namin pareho kaya di na rin ako nagsalita at hinayaan ko na lang siya. Hirap na rin at baka kung ano pa masabi ko.
Dumating hepe ng brgy. Gusto dalin kami sa brgy hall. Di ako pumayag kasi sinabi ko na kung kayang ayusin sa kalsada, dun na lang kung kaya pa. Tinanong ko yung nabangga ko kung need ba ipagawa or need niya patingin. Sinabi ko na sasagutin ko. May tagas tanke ng motor kaya pinagawa ko at sinabi niya na pakikiramdamam niya binti niya. Binigay ko name, add at cp number.












