EDUKASYON: MAKAKAPAGPABAGO O DAPAT BAGUHIN? (Pananaw sa Dokyumentaryong “Misedukasyon”)
Maaring lumipas na nga ang panahon. Maaring marami na ang nagbago sa ating lipunan. Maaring ang nakagisnan nating edukasyon noon ay iba na sa edukasyon ngayon. Nadagdagan na ang mga paaralan at maging ang pasilidad dito. Nagbigay din ang gobyerno ng mga teknolohiyang makakatulong umano sa progreso. Nawala ang diskriminasyon sa pagtanggap sa trabaho. Natupad na rin ng gobyerno ang libreng edukasyon. Ngunit sapat na ba ito upang mabigay sa atin ang pagbabago sa bayang ating inaasam-asam?
Sa halos labing limang taon ko nang pakikipagsapalaaran sa pampublikong paaralan bilang isang simpleng estudyante mula elementarya hanggang sa ngayong ako’y nasa kolehiya na, nasaksihan ko ang pamamalakad dito na layuning hubugin umano ang mga kabataan upang maging susi sa pagbabago ng bayan. Ngunit ngayon ko lamang talaga napag-isip isip ang lahat. Sa mahabang panahon kong pag-oobserba, ngayon lamang ako napatanong.
Kung nais ng gobyernong hubugin ang mga kabataan upang maging susi sa pagbabago ng bayan, bakit hindi nila matugunan ang napakarami pangangailangan sa paaralan? Ang sabi ng isang mataas na opisyal ng gobyerno, “quality education is expensive”. Mahal daw ang edukasyong may kalidad. Ngunit hindi ba’t parang baliktad? Dahil ang totoong edukasyong may kalidad ay iyong kayang abutin at iangat ang kabataan kahit siya ay nasa pinakaibaba. At hindi ba’t mayroon namang pondong nakalaan sa mahal na edukasyon na iyon? Pero nasaan na ang kalidad? Sa mga kompyuter bang ipinamamahagi sa iba’t ibang eskwelahan ngunit kulang naman kung ikukumpara sa mga gagamit na estudyante? Sa mahihinang materyales ba na ginagamit para sa silid aralang ilang panahon at bagyo lang ay hindi na mapakinabangan? Ang inaakala ng marami, nagawa na natin ang lahat, ngunit ang totoo nama’y puro tira tira lamang ang ating natanggap.
At isa pa, kung nais ng gobyernong hubugin ang mga kabataan upang maging susi sa pagbabago ng bayan, bakit tanggap na lamang ng tayo ng tanggap ng mga kaalaman nang hindi iniisip kung ito ba talaga ay may pakinabang? Ang karamihan sa librong ginagamit ng mga gurong pangturo sa mga estudyaneting Pilipino ay nakabase sa kurikulum ng mga dayuhan na kung tutuusin ay hindi naman akma sa sitwasyon ng bansa ngayon. Hindi rin natin masyadong binibigyang pansin ang agham panlipunan na mas huhubog sana sa ating kasarinlan. Imbes na ang pamamaraan ng pagtuturo ay tungkol sa usaping nakakapagpabago ng bayan, mas nakatuon tayo sa mga paksang ginagawang robot ang kabataan. At bakit patuloy nating tinatangkilik ang gawa ng ibang bansa kaysa sa sariling atin? Dahil sa eskwelahan pa lang, itinatak na sa ating isipan na magaling ang mga gawang banyaga at kung hindi natin ito tatangkilikin, tayo ay mapagiiwanan lamang. Ngunit kung tutuusin, kahit anong habol natin dito, hindi naman talaga ito ang makagbigay saatin ng totoong sagot sa pagbabago. Sa halip, nagagamit pa ito ng ibang bansa upang alipinin ang ating mentalidad at tayo mismo.
Kung nais ng gobyernong hubugin ang mga kabataan upang maging susi sa pagbabago ng bayan, bakit hindi muna natin baguhin ang sistema ng lipunan? Hindi ba’t dapat muna nating ayusin ang pamamalakad bago simulang ayusin ang nasasakupan? Dahil walang pinong buhangin ang siyang masasala sa butas na salaan. Kung gusto natin ng pagbabago, simulan nating ayusin, itama at baguhin ang taliwas at bulok na pamamaraan nang sa gayon, maayos din na daang ating tatahakin at madaling makamtan ang inaasam.
Patuloy lang ang mga kabataan sa pagpapalawig ng kanilang kaalaman upang hindi lamang umunlad ang buhay kundi matupad din ang pangitaing iniatang sa kanila ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal. Ngunit hindi lamang ang kabataan ang siyang dapat gumalaw upang sumibol muli ang pag-asa ng bayan. Kung lahat ay magtatanong rin at magtatyagang mag-isip ng sagot, mas mapapadali siguro ang proseso. Gusto natin ng pagbabago? Edukasyon ay ayusin, sistema ng lipunan ang baguhin. Ikaw, ano ang tanong mo?
– Cordero, Patricia Mae M. (BSBA-HRM 2-4D)