Blankong papel at mga naiipon na salita. Na nagkakagulo, ‘di nagtutugma. Ang nais lang naman ay sumulat ng isang tula. Upang makamtan ng puso ang nais na laya. Ngunit saan? Saan ba ako magsisimula? Sisimulan ko ba sa paglayo? Kung saan titignan, aantayin, susubukin Kung ikaw ay dadayo Sisimulan ko ba sa paglimot? Kung saan itatanggi, Na tila wala namang nangyari Kahit pa nga batid na ang magiging dulot Labis na lungkot Na hindi alam kung hanggang saang laot Ang dala ng pighati, saan aabot Ilang dalampasigan kaya ang maiikot Paano ba ako magsisimula? Kung sa segundo nang pagsubok sa laya Walang malay sa puso kong may bagyo at baha ‘Di man lang nakikita ang mga tanda at babala Dumarating ka Dumarating ka Dumarating ka Hindi ko na alam kung saan nang dako Dapat ikubli itong aking puso Na patuloy na nahuhulog, umaasa, nagugulo Na patuloy na sinasaliksik kung ano ba ang totoo Sa mga salitang nag-uugnay sa ikaw at ako Kung magiging katotohanan ba ang salitang tayo Ang alam ko lang ay dumarating ka Ngunit palaging kalakip nito ang tanong na mananatili kaya At sa bawat araw at oras na ikaw ay nakakausap at nakakasama Magkahalong saya at kaba ang aking nadarama Kahit kailan ay wala ka naman kasing sinabi At heto ako, sa pagtatanong, nagtitimpi Ayoko kasing maakusahang nagmamadali Hindi naman kasi, natatakot lang akong magkamali Dahil ang alam ko lang ay dumarating ka At ang puso ko ay nasasanay na ANG RASON SA LIKOD NG TULA: Pinakamahirap na siguro na laban sa pagiging Kristiyano ang mga laban kung saan ang nasa kabilang panig ay mismong ating mga puso. At minsan nakakatakot, minsan nakakapanghinang harapin ang mga laban na ito, lalo pa sa tuwing ang bugso nang ating mga damdamin ay sobra-sobra na. Sobrang saya. Sobrang sakit. Sobrang lungkot. Sobrang pagnanais. Madali ang sumuko. Ang iba, ang pinipili ay lumayo sa Diyos. Magpalugmok sa tawag ng mundo. Pangunahan ang nais ng Diyos at sundin na lamang ang gusto ng puso. Ngunit, ang iba naman ay pinipiling isubsob ang sarili sa gawain. Ang magdasal. Ang iba sa paghingi ng payo. Sa pakikipag-usap. Ako, ito ang pinili ko, ang pagsulat ng mga tula hanggang maubos ang mga salitang pumupukaw, umuukopa sa espasyo ng aking puso at isipan. Pinili ko ang mga salita. Ang ibuhos ang mga letra hanggang sa wala nang matira. Ang ibuhos ang bawat kataga hanggang sa Diyos na lamang muli ang marinig, ang maramdaman, ang makita. Ang sinasabi ko lang naman ay minsan talaga namang natatagpuan natin ang ating mga sarili sa gitna ng karagatan ng ating mga damdamin. Huwag kang matakot, kapatid. At huwag ka ring sumuko. Huwag mong hayaang ikaw ay mapailalim at malunod. Panghawakan mo ang salita ng Diyos, at gamitin mo mga talentong kaloob sa'yo ng Panginoon para mapaglabanan mo ang panghihina. Maraming paraan: Sa pagsulat ng tula, ng awitin. Sa pagguhit. Sa pagluluto. O kahit lettering. O pag edit ng videos. Ikaw ang bahala. Basta ang lagi mong tandaan, sa Diyos at sa Kanyang Salita, manatili ka. 😁










