Empleyado Blues
Ako'y iyong hiklatin,
Pilitin pang mabanat.
Itodo ang pagkakahila
Nang ako ay mapigtas.
Ako'y iyong baluktutin,
Ibaliko nang sadya't sagad.
Pwersahing kumurba
Hanggang ako'y mabali't makalas.
Ano bang pakiramdam d'yan sa ulap?
Sa tagal ng panahong nasa alapaap,
Limot na ang pakiramdam ng lupa
At hindi na muling napuputikan.
Ano bang sinabi ng mga Diyos?
Naisusulat ba sa mga bato ang mga utos?
Ang pagdaing ba'y maituturing na pagsuway?
Ang paghiling ba ay isang kalabisan?












