"Ang damot mo naman!" 'Yan ang katagang halos araw araw naririnig ng batang si Charlotte.
Siya'y isinilang mula sa marangyang pamilya. Lahat ng laruan, damit at pagkaing gusto niya'y mabilis niyang nakukuha mula sa kaniyang Ama't Ina. Ngunit pakiramdamam ni Charlotte ay may kulang pa rin sakaniya. Kailanman ay hindi siya nakuntento sa mga materyal na bagay na ibinibigay sa kaniya ng kaniyang mga magulang dahil parati namang wala ang mga ito sakanilang tahanan.
Ni minsan ay hindi niya naranasang mag bigay sa mga kapwa niya bata sakanilang baranggay dahil sa kaniyang inggit sa mga ito, Bagama't nasakaniya na ang lahat ng materyal na bagay ay meron naman ang mga batang 'yon na kailanman ay hindi niya mabibili ng pera, 'Yun ay ang pag aalaga ng mga magulang nito sakanila.
Halos araw araw ay naiiyak siya sa pagkainggit habang pinapanood ang mga bata na inaalagaan ng kanilang mga magulang kaya naman gumaganti siya sa mga ito sa pamamagitan ng pag iinggit sakanila ng mga laruan na meron siya.
Hindi pwedeng siya lang ang naiingit, Sabi niya sa kaniyang sarili.
"Meron ka ba nito? Wala! Hindi niyo naman kasi afford 'no! Mga slapsoil kasi kayo!" Aniya sa mga batang naglalaro sa parke habang iwinawasiwas ang kaniyang bagong biling manika.
"Ang ganda niyan ah! Pwede ko bang mahiram?" Tanong ng isang bata habang manghang mangha na nakatitig sa kaniya hawak na manika.
Napangisi si Charlotte at malakas ma tumawa, "Asa ka naman 'no! Ang mahal kaya nito tapos ipapahiram ko sa mahihirap na katulad niyo? Manigas kayo!" Sigaw niya na naging dahilan upang malakas na umiyak ang bata.
Mabilis na lumapit ang Ina nito, Niyakap ang batang umiiyak at pinatahan na mas lalong nagpasiklab ng inggit ni Charlotte, Sa loob ng Pitong taon niyang pamumuhay sa mundo ni minsan ay hindi niya pa naranasang mayakap ng kaniyang Ina.
Buong hapon ay nagkulong si Charlotte sa kaniyang kwarto, Iniisip kung ano ba ang dapat niyang gawin upang manatili sa kanilang bahay ang kaniya mga magulang, Lalo pa't bukas ay kaarawan niya na.
Naputol ang kaniyang pag iisip nang may biglang pumasok sa kaniyang kwarto. "Ms. Charlotte, Ipinapabigay po ni Ma'am. Happy birthday daw po." Ani ng kasambahay nila Charlotte at inabot sakaniya ang isang malaking regalo.
Lumiwanag ang mukha ni Charlotte, "Nandiyan sila Mommy?" Umaasang tanong niya.
"Opo, pero paalis na rin po. May pupuntahan po atang business--" Hindi niya na pinatapos sa pagsasalita ito at dali daling bumaba, Nagbabakasakaling mapigilan niya pa sa pag alis ito.
Nagmadali siyang hinabol ang papaalis na nitong sasakyan, Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa mapansin niya na lamang na sobrang layo niya na mula sa kanilang bahay at hindi niya alam ang daan pabalik, Nawala na rin sa paningin niya ang sasakyan ng kaniyang mga magulang.
Wala siyang nagawa kung hindi umiyak sa gitna ng kalsada hanggang sa makatulog siya. Nagising na lamang siya na nakahiga sa isang matigas na upuang kahoy. Balot din siya ng kumot at may basang panyo sa kaniyang noo.
"Nay! Gising na po siya!" Kumunot ang noo niya nang marinig ang pamilyar boses.
May lumapit sakaniyang babae at hinipo ang kaniyang noo, Tinulungan rin siya nitong makaupo nang maayos.
"Natagpuan kita sa kalsada, Mukhang naulanan ka kaya sobrang taas ng lagnat mo. Kaya dinala na rin kita dito sa bahay namin."
"Okay ka na ba, Ate?" Napalingon siya sa batang babaeng nagsalita. Halos magpakain siya sa lupa dahil sa kahihiyan nang mapansin na ito ay ang batang babae na inaway niya kanina habang ang ginang naman ay ang Ina nito.
"Halika, Kumain ka muna, Pagpasensyahan mo na ang ulam namin ah." Ani ng ginang habang sinasandukan siya ng pagkain sa kaniyang plato.
"Maligayang kaarawan nga pala! Sinabi sa'kin ni Maya na kaarawan mo raw ngayon."
Lumingon siya sa bata, Tila nagtatanong kung pano niya ito nalaman. "Napagusapan namin ng mga kaibigan ko na birthday mo daw ngayon, umaasa kaming baka imbitahan mo kami at baka sakaling makatikim kami ng fried chicken." Masayang saad nito.
Hindi napigilang maging emosyonal ni Charlotte, Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang kalinga ng isang Ina na matagal na niyang hinahangad at ang pagmamahal ng isang nakababatang kapatid na tila naramdaman niya kay Maya.
"Salamat ah, Pasensya na rin kung pinag dadamutan ko kayo. Alam niyo inggit na inggit kasi ako sainyo eh." Nahihiyang aniya.
"Sa'min? Bakit naman?"
"Kasi kayo, lagi niyong kasama ang mga magulang niyo, Lagi kayong inaasikaso habang ako, Mga kasambahay ang lagi kong kasama sa bahay. Kahit ngayong birthday ko ni hindi manlang ako sinamahan nila Mommy."
"Ganon ba? Edi sasamahan ka namin! Basta wag ka nang maging madamot ah?"
"Talaga? Sige ba! Bukas ng umaga pumunta kayo sa bahay, Papakainin ko kayo ng maraming fried chicken!"
Nagkaro'n ng selebrasyon sa bahay nila Charlotte para sa kaniyang Kaarawan, Sa unang pagkakataon ay naranasan niyang magbigay at magpahiram sa mga batang katulad niya. Ngayon niya naunawaan na sobrang sarap pala sa pakiramdam nang makapag pasaya ng ibang tao at ang magkaro'n ng kaibigan. Kaniya ring natutunan na kailanman ay walang kahit anong magandang naidudulot ang kaniyang pagdadamot.
Wakas.
















