Sana alam mo na sa bawat araw at gabing lumilipas, wala akong ginawa kundi isipin ka-—kung nasaan ka na, anong ginagawa mo, sinong kasama mo at kung masaya ka ba talaga kahit wala ako. Sana alam mo na wala akong ginawa kundi hintayin yung araw kung kailan ulit tayo magkakatagpo at magkakausap. Sana alam mo na wala akong ginawa kundi alalahanin yung mga masasayang panahon na magkasama pa tayo. Sana alam mo na lubos akong nangungulila sa’yo na nagiging sanhi ng pagluha ko sa mga gabing iniisip ko na sana ikaw pa rin ang kasama ko.
Sana alam mo kung gaano kita kamahal; na kahit alam mong nasasaktan na ako ay hindi pa rin kita iniwan. Sana alam mo na matagal akong nagtiis at matagal akong naghintay bago kita tuluyang isuko at bitawan. Sana alam mo na ginawa ko ang lahat para manatili ka sa buhay ko.
Sana alam mo na kaya tumigil na ako kasi pagod na ako sa mga bagay na dati- pilit ko pang ipinaglalaban kahit na alam kong wala naman nang patutunguhan. Sana alam mo na matagal na panahon ang lumipas bago nawala ang sakit at kalungkutan na idinulot mo.
At ngayon, sana alam mo na masaya na ako at nagpapasalamat ako dahil naging parte ka ng buhay ko. Sana alam mo na kaya kita isinuko ay dahil iyon na lang ang sa tingin kong nag-iisang paraan kung saan parehas tayong magiging masaya.
Kaya mahal ko, patawad kung ako ay bumitaw na sa ating pagmamahalan. Patawad kung hindi na kita ipinaglaban. Kahit na ganun, lubos pa rin akong nagpapasalamat sa lahat ng ating pinagsamahan-—tawanan man o iyakan. Hindi ako nagsisisi na nakilala at nakasama kita. Alam ko na sa tamang oras at panahon ay parehas rin tayong magiging masaya; ngunit tatandaan mo sana na mananatili ka sa puso ko kahit hindi tayo palaging magkasama. // (-l.m.l.b)