Parami nang parami ang mga taong nagkukunwaring kapanalig kay Cristo dahil sila din daw ay bininyagan bilang mga Katoliko. Pero ang hangad nila ay lasunin ang isip ng mga mananampalataya. Ang masama pa, sila ay nasa mga posisyon sa gobyerno kung saan maiuutos nila sa tao ang kanilang mga maling pangaangatwiran, at magagawa nilang hawahan ng kabulukan ang konsensya ng marami sa pamamagitan ng mga kasinungalingan.
Pagkatapos nilang madaliin at ipagpilitan ang RH Bill, kahit na hinati nito ang bansa sa dalawang malaking bahagi, ngayon naman ay minamadali nila ang Divorce Bill na maghihiwalay sa napakaraming mga mag-asawa na dapat sana ay ipinagtatanggol at ipinagsasanggalang ng Estado, mula na rin sa sarili nilang kapusukan at kakapusan ng isip dala ng pagiging bata. Habang napakaraming mga indibidwal at mga grupo ang buong-lakas na tumutulong na mapagbuklod ang mga mag-asawang dumaraan sa proseso ng lubos na pakikipag-isa, ang mga lider ng ating bansa, na nagsasabing sila ay mga Katoliko, ay nagmamadaling wasakin nang lubos ang pamilyang Filipino, at lapastanganin ang kapangyarihan at pangalan ng Diyos na nagbuklod sa mga mag-asawa at siya mismong nagpahayag na walang sinuman ang makapaghihiwalay sa kanila maliban sa kamatayan.
Linilinlang ng mga taong ito ang kanilang sarili at ang mga taong ipinagkatiwala at nagtitiwala sa kanila. Isinasangkal nila ang “tapat na konsensya” bilang basehan ng kanilang mga pasya na tahasang sumasalungat sa pananampalatayang kanilang ipinahahayag. Maging ang Simbahang kanilang kinabibilanganan ay iniinsulto nila sa publiko, at ang mga ministro nito ay hindi nila magawang pagpakitaan ng sinsero at nararapat na pagalang katulad ng kawalan nila ng paggalang sa Diyos.
Sa palagay ko ay dapat silang itakwil bilang Katoliko sa harapan ng lahat para hindi nila mailigaw ang mga tapat na mananampalataya. Inaari nilang katotohanan ang kasinungalingan at inuusig ang mga nagpapahayag ng katotohanan. Hindi pa sila kuntento sa paggawa ng mali, inaakit pa nila ang iba na maging katulad nila. Paulit-ulit silang pinaaalalahanan at binabalaan na hindi sila nagiging tapat sa kanilang pananampalataya, bilang mga Katoliko, dahil sa ginagawa nila; pero sa halip na ito ay kilalanin, hayagan nilang inaangkin na sila ang nasa tama at nasa maling tayo ang Simbahan, bagamat “iginagalang nila ang opinyon nito.” Kung hindi sana sila mga Katoliko, ang Diyos ang hahatol sa kanila; pero dahil inaangkin nilang sila ay mga kapatid kay Cristo, dapat ipahayag sa publiko na sila ay masasamang halimbawa, at dapat itakwil ang kanilang mga gawa.
“Pinaaalsa ng kaunting lebadura ang buong masa.”