Makasarili nga siguro tayo. Maaaring hindi likas na ganito pero sa panahon nating ito, at sa mga tao sa paligid mo - hindi ba’t mas gugustuhin mo na lang na lumayo? Pagod ka na sa mga sinasabi nila, naririnig mo’ng mga bulungang tinatangay ng hangin. Para saan ba’ng masasakit na salita, kung ang gusto mo lamang ay makilala ka? Para saan ang mga pangungutya at bakit nais mong patumbahin ang iba? Umangat ka sana’t akyatin ang matarik na hagdanan, gamitin ang sariling pawis at ‘wag kang manulak ng iba. Ulan at kidlat, sa ‘yong bintana, ika’y nakatunganga. Sa kabila ng sigaw ng kulog at malakas ng sipol ng hangin, tinatangay pa rin ang matatalim na salita; ang kanilang mga pasaring. Ano’ng ginawa mo, bata, at sila sa ‘yo’y ganyan? Nais mo lang ang iyong likha’y maging maganda, pero bakit parang sila’y ‘di natutuwa? Oo’t marahil naghangad kang makilala. Ngunit hindi ba’t ito’y natural lamang upang maramdaman mong may nakauunawa ng ‘yong obra? May sinaktan ka ba kaya’t apektado na lamang sila? Harapin mo’ng mga ito, ‘wag kang magtago sa mukha ng ibang tao. Makasarili nga siguro tayo. Sino pa ba’ng matinding kalaban mo, kundi sarili mo? Ngunit paano kung bukod sa sarili mo, eh may iba pang kumakalaban sa ‘yo?








