Desisyon
Hindi talaga ako mabilis magdesisyon. Kapag tinanong mo ko kung anong gusto kong kainin sa pagitan ng nilagang itlog o scrambled, eh mag-iisip pa ko ng 10 segundo bago ko piliin ang scrambled. Parehong paborito eh.
O kaya kung papiliin mo ko kung saan ko gusto kumain. Hindi dahil sa babae ako ha. Marami kasi akong gustong kainan pero pag sinabi mong Jollibee, tatanggi ako kasi mas gusto ko ang KFC.
Madalas ang tagal ko din mamili ng libro kasi iniisip ko pa kung bibili ba ko nung sikat libro pero mahal o yung mura para mas marami akong mabili.
Minsan din pag bumibili ako ng ballpen eh natatagalan din ako kasi "ano ba ang pinakamaganda pero mura?".
Minsan iniisip ko din kung itutuloy ko ba yung final interview sa isang kompanya na maganda naman ang sweldo o ang mga benepisyo kaso hindi ko naman talaga gustong gawin sa mga panahong yun.
Pero nung sinabi mong mahal mo ko, bagamat di ako mabilis magdesisyon, sumagot ako agad na mahal din kita.
Dahil kapag nakikita kita, hindi na ko naguguluhan.
Alam kong ikaw lang ang paborito ko.
Alam kong ikaw lang ang gusto ko.
Alam kong ikaw ang dabest.
Alam kong ikaw ang kailangan ko.

















