Isang Pagtatapos sa Mataas na Paaralang Ateneo
Hay, kaytagal kong hinintay ang panahong ito. Sa apat na taong pamamalagi ko rito, marami-rami na rin ang mga karanasang aking kinaharap, at may mga ilan-ilang kung saan ay kasama na rin ang buong komunidad ng Mataas na Paaralan ng Ateneo.
Oo, mapakarami na ng ating mga karanasan sa ating pagtira at pag-aaral dito sa ating ikalawang tahanan. Marahil ay marami na sa atin dito ay may mga karanasang nagpatibay ng ating pagkatao na dadalhin natin hanggang sa pagtatapos ng ating pamamalagi sa paaralang ito.
Ilang taon na nga ba ang lumipas nang magsimula tayong maghanda para sa kolehiyo? Lima? Sampu? Marahil ay buong buhay nating pinagsumikapang makaabot hanggang sa pagtatapos ng ating buhay sa Mataas na Paaralan ng Ateneo papunta sa ating mga piniling kolehiyo.
Nang pumasok ako sa paaralang ito, hindi ako nagsimula bilang numero uno sa klase, ni hindi rin naman bayani. Nag-umpisa ako bilang isang estrangherong napadpad sa 'di kilalang lugar, kung saan ay isa-isa kong nakilala ang mga taong naging sangkap sa aking tagumpay ngayon: mga guro at kamag-aral.
Salamat sa inyo mga kapwa ko estudyante, sapagkat naghati-hati tayo sa ating mga paghihirap at tagumpay sa ating mga asignatura, pagsusulit at iba pa. Salamat, mga butihing guro, sa lahat ng patitiis at pagtitiyaga sa kakulitan naming mga mag-aaral. Salamat din sa iba't-ibang taong nakasalamuha natin sa araw-araw na nagbago sa ating pagtingin sa buhay.
Sa pagtayo ko rito sa entablado, sa harap ng mikropono, sa harap ninyo, ako ay natutuwa. Lahat tayo ay nagtagumpay sa pangyayaring ito! Lahat tayo na may dinanas na hirap at ginhawa ay narito ngayon suot-suot ang mga togang sumisimbulo sa pagtatapos ng ating yugto sa Mataas na Paaralan ng Ateneo patungo sa panibagong buhay natin sa pagpasok sa kolehiyo.
Sa aking pagtatapos, maaari sana nating isabuhay lahat ng mga natutunan natin sa ilang taong pamamalagi natin sa paaralang ito, na kung saan ay maging susi ang mga ito sa mga inaasam-asam nating tagumpay sa ating mga pangarap sa buhay.
Nawa'y patnubayan tayong lahat ng Diyos, saan man at kahit kailan man sa ating buhay. Salamat po sa lahat ng mga ala-ala! Ad Majorem Dei Gloriam!
-Joseph Alitagtag (Group1B)