“oo ma, kakakompyuter ko ‘to.”
hula kong karamihan sa atin ay madalas mapagsabihan ng mga katagang, “kakakompyuter mo ‘yan!” ng ina n’yo at ko. at para sa ‘kin, nasa gitna ang lebel ng posibilidad na ito ay magkaroon ng maganda at ‘di magandang epekto.
isang pribelihyong hindi lahat ay mayroon, ang pagkakaroon ng iskrin na kung saan ito ang s’yang nagsisilbing bintana sa reyalidad na mayroon tayo ngayon. reyalidad na ang pandemiya pa ang naging salamin sa iba upang makita, matanaw ang tunay na budhi ng nakatataas.
makita at matanaw ang reyalidad ng tunay na estado ng mahal nating Pilipinas.
makita at maramdaman ang linyang pumapagitan sa apat na sulok ng tahanang nagbibigay ginhawa sa atin at sa nabubulok na eskinitang tahanan sa iba.
tatanungin kita, sa kakakompyuter mo ba ay nakikita mo na rin? nagigising ka na rin ba? o sa kakakompyuter mo ay lalong tumataas ang grado’t nabubulag. patuloy na nabubulag sa kung ano ang tunay na nangyayari sa labas ng iskrin.
nawa’y sa kakakompyuter mo ay maging makabuluhan ang epekto nito sa’yo, sa kapwa, at sa bayan.
nawa’y sa kakatitig mo sa liwanag na dala nito ay hindi ka mabulag sa pribelehiyo’t maging makasarili.
nawa’y sa kakakompyuter mo ay makapagdala ka rin ng liwanag sa iba. liwanag na magkapagbibigay ilaw sa mga nagdidilim na pananaw.
nawa’y sa kakakompyuter mo ay maging bintana ka rin ng pag-asa sa iba. pag-asa para sa bayan. pag-asa na balang araw ay babawi rin tayo.
nakakapagod man tignan araw-araw ang iskrin na nagsisilbing bintana ng lahat patungo sa labas ng tahanan, hangad ko’y hindi magsawa.
hindi sana tayo magsawang magingay at magbigay. magingay para mayanig ang mga nasa itaas, at magbigay ng pag-asa sa isa’t isa na balang araw ay, tayo naman. hindi na ang ego n’ya, hindi na ang mga tsino. hindi na ang pula o dilaw. tayo naman. tayong mga Pilipino.
hindi masamang magalit sa mga nangyayari ngayon dahil tayo lahat ay, dawit. ngunit huwag sanang malimot na magpakabuti’t magpatuloy.
[isang piyesang nabuo mula sa katas ng deadline, mga munting hinanaing, at sa inspirasyong nabuo sa puso ko mula sa art na ‘to https://twitter.com/mich_jpg/status/1303310665243795463]
matalinhaga nga raw si gaga, sabi ni ser <3 syempre kinilig ako. lalo na’t ang gaganda’t gagaling ng talumpati ng blockmatez ko. duda talaga akong nahuli lang kami sa mob that day.







