Natanong n'yo na ba sa sarili mo minsan kung bakit madamot ang tadhana? Bakit ba pagtatagpuin ang mga bagay na hindi naman kayang paninindigan ng tadhana? Anong nais ituro sa pangyayaring ito? Ipinagkaloob ngunit kay daling naglaho.
Ito ang kwento nang aking alaga na si Kokoy. Sa simula pa lamang, di ko alam ang ipapangalan niya. Tumagos sa isipan ko ang pangalang Kokoy dahil ito ay kay bilis bigkasin at hindi kumplikado. Dumating siya sa buhay ko nung buwan ng Mayo 2024. Hindi inaaasahan dahil binigay siya nang kakilala naming guro. Maliit si Kokoy, parang pandak. Malaki ang mga paa pero kay gandang hawakan dahil ito'y malambot. Ang kulay niya ay naghahalo nang itim at kayumanggi. Maitim ang nguso o bibig niya. Malaki at malambot ang kanyang tenga. Maamo ang mga mata.
Nung dinala namin siya sa bahay ay may deperensya ang kanyang isang paa. Hindi pa siya masyadong nakakalakad ng maayos. Hindi sana kami makakaampon sa kanya kasi may nauna talaga na napagbigyan ngunit ito ay sinauli dahil sa kaakibat na kapansanan na dala. Kung kaya't gumawa ang tadhana na pagtagpuin kami sa kanya.
Sa unang araw, balisa si Kokoy. Di mapakali. Nasanayan din niya ang magkagat-kagat ng anumang bagay. Ganyan naman ang mga aso pag bata pa sila, nilaro laro nila ang mga bagay na nakikita. Aktibo at malikot si Kokoy. Kabisado na rin niya ang kanyang pangalan kasi 'pag tinatawag namin siya na Kokoy, lalapit na ito at gumagalaw galaw ang buntot. 2-3 buwan lumaki na si Kokoy. Mas lalong gumanda ang kulay niya. Dominante ang kulay kayumanggi, humaba na rin ang kanyang buntot. Naging masiglahin si Kokoy at napapasaya niya kaming lahat.
Ngunit ang tadhana ay kay lupit. Kay sakit isipin at damhin ang sinapit sa aming pinakamahal naming si Kokoy. August 01, 2024 binawian ng buhay si Kokoy. Kay hirap tanggapin ang pinagkait ng tadhana. Bakit binigay pa ngunit babawiin lang agad? Nagkasakit si Kokoy, hindi kumain. Nagsusuka at nagbabawas siya nang dugo. Wala akong nagawa at yun ang pagkakamali ko. Hindi ko siya nadala sa pagamutan. Walang gamot ang nainom. Dapat din pala, hinayaan ko siya na maglakad lakad at palayain para makakain siya nang halamang gamot o damo. Di ko kasi pinakawalan. Binibigyan ko lang siya nang tubig kasi umiinom naman siya.
Patawad Kokoy kung di kita nailigtas. Patawad kasi napabayaan kita. Kay sakit ang nadarama. Di matanggap ang paglisan mo kasi minahal na kita at ang buong pamilya ko. Hindi pa rin namin hawak ang buhay mo. Sana masaya ka kung saan ka naroroon. Mamimiss kita nang sobra Bi. Hindi man tayo pinagsama nang tadhana nang kay tagal, nagpapasalamat pa rin ako kasi naging masaya at makulay ang buhay ko. Tinuruan mo akong magmahal at mag alaga nang aso. Masaya at masarap pala. Pasensya na rin tadhana sa mga tanong ko. Nadala sa bugso sa damdamin. Lahat ng mga aksyon may kaakibat na resulta. Ngayon, gusto ko muna magpahinga na mapalapit sa mga alagang pusa at aso. Magpapagaling muna sa sugat. Kung darating man ang panahon na handa na ako, sana natuto na ako at maging mahusay pa sa pag-aalaga.
Hindi man kita nakasama nang kay tagal Koy, mananatili ka pa rin sa puso namin. Lumipad ka at maging malaya na Bi, mahal kong Kokoy. Salamat ng lubusan. Naging tunay kong Kaibigan. Salamat Panginoon sa lahat ng pangyayaring ito. Masakit pero magiging matatag. Huwag mong pababayaan si Kokoy, Panginoon.
Mamimiss kita aking Kokoy! Mahal ka namin! 🫶