Rumarahuyong mga Presa
Carlo Jose O. Reyes
Isa sa mga napuntahan namin bago’ng mag-pandemiya’y ang Strawberry Farms sa La Trinidad, Benguet. Kung ikaw ay madalas magplanong pumunta sa Baguio, duda akong wala ito sa itineraryo ninyo, ‘pagkat iilang kilometro lamang ang layo mula dito, siguradong sulit ang pagbisita dito. Isa sa mga dahilan kung bakit ito’y laging darayuhin ng mga turista ay sa kung gaano kalaki ang sakop nitong lupa, ito’y binubuo ng mahigit 20 na hektarya ng strawberry farms. Hinding hindi mawawala ang pangunahing nakaka-akit sa mga dayuhan dito, ang makapagpitas, maka-ikot, at makakuha ng mga pasalubong. Buong pamilya kaming nagpunta’t namitas ng kanya-kanyang mga strawberry. Natatandaan ko pa noo’y palakihan pa kami ng mamitas. Siyam kaming nagpunta ngunit sa laki ng luga halos hindi mo makita ang isa’t isa. Isa ito sa mga panahon na hindi na madalas magkita ang buong pamilya at, siguro, kaya kami nagpunta rito ay para magsama-sama ulit kami at sa kabutihang palad, tuloy-tuloy na kaming nagsasama mula noon. Siguro ninais kong balikan ang mga araw na malapit-lapit kami sa isa’t isa, yung tipong linggo-linggo nagkikita o ‘di kaya’y linggo-linggo kaming dadayo sa bahay ng isa naming kamag-anak. Mabuti na lang na hanggang ngayon, na kahit may pandemiyang nagaganap, patuloy pa rin kaming nagsasama sa pamamagitan ng pagtawag o pagvideo chat.
















