사요
Sa taong aking palihim na minamahal,
Napansin mo pala ang aking paglayo.
Di ko naman akalain na ito'y mararamdaman mo,
Dahil hindi naman ako mahalaga, mahalaga ba ako?
Sa taong aking palihim na sinisinta,
Sa totoo'y natatakot ako, pasensya na.
Natatakot akong sa isang araw, baka may magustuhan kang iba,
At di nya maintindihan na kaibigan kita,
Na kaibigan mo lang ako,
At papiliin ka nya.
Ayokong umabot ka sa puntong yon.
Ayokong umabot ka sa puntong
Dahil sa sobrang close nating dalawa
Papiliin ka nya
At dahil mahal kita,
Ibibigay kita sa kanya
At magpapakalayo-layo ako,
Pupunta sa ibang lugar
Uuwi doong sugatan
Na para bang sumabak ako sa giyera
At nagdesisyong sumuko kung gusto kong
mabuhay pa.
Sa taong aking palihim na tinatangi,
Alam kong alam mong itong nararamdaman.
Alam kong hindi naman talaga ito lihim sa iyo.
Hindi mo na lang binabanggit kasi yun ang gusto ko, hindi ba?
Sinabi ko sa iyong pipilitin kong huwag ka nang gustuhin,
Pasensya ka na, dahil ito ang paraan ko upang iyon ay gawin.
Kailangan kong lumayo dahil natatakot ako
Na baka sa isang araw, miski ako di na makita yung linya kung
Hanggang saan lang ako
Hanggang saan lang ang meron tayo
Natatakot akong baka bigla kitang mayakap
Baka bigla kong hawakan ang iyong kamay
O bigla akong makatulog sa iyong balikat
O sabihan ka tuwing gusto ko na namang mamatay
Dahil lang gusto kong maligtas galing sa sarili ko
Natatakot akong ituring ka sa paraang gusto ko
Natatakot akong ituring ka sa paraang komportable ako
Dahil mali yon.
Hindi tayo.
At gusto kong ituring ka na parang tayo.
Mali yon.
Kaya pasensya na.
Sa taong palihim kong minamahal
Ng sobra sobra sobra
Napansin mo ang aking paglayo,
At nahihirapan ka daw.
Pasensya ka na,
Wag mo na sanang maramdaman yon,
Ayoko lang lampasan ang limitasyon ko
Ayoko lang masaktan kasi nga walang magiging tayo.
Dahil hindi naman ako mahalaga, mahalaga ba ako?












