ANG SULIRANIN NG ISANG INDIBIDWAL AY SULARANIN NG LIPUNAN
FICTION:
Kasal
Sa aking pagbabasa ng maikling kwento ni Eli Rueda Guieb III na pinamagatang “Kasal”, napadpad ako sa panibagong mundo, kung saan ipinakita ang ibang mukha ng pagsasama, pagmamahal at paghihiwalay. Sa pangkalahatan, namangha ako sa mismong babasahin sapagkat ang konsepto nito ay kakaiba. Ang maikling kwento ng “Kasal” ay isang makabagong putahe sa mga kategorya ng kwento. Oo at tungkol parin ito sa relasyon (pagmamahal at paghihiwalay), pero ang pag-atake ng mga konsepto ay kakaiba. Napakaganda rin ng ginamit na salita sapagkat bagamat may iilang malalalim na salita ay kaya parin naman itong intindihin ng mga mambabasa. Natutunan ko sa maikling kwento na ito na ang kasal ay hindi isang katapusan ng ating paglalakbay sa ating buhay, ito ay parte lamang nito. Hindi rin ibig sabihin nito na ang relasyon mo sa isang taong iyong pinakasalan ay sigurado na at magtatagal, sapagkat maraming bagay ang hindi tayo sigurado at isa na ito rito. Paalala para sa sarili at sa iba: kilalaning mabuti ang sarili at magpatuloy lamang sa paglalakbay sa buhay, dahil ito ay hindi natatapos.
Impeng Negro
Tinalakay sa kwento ang pangmamaliit at pang-aalipusta ng mga taong iba ang katangian at kalagayan o uri ng buhay. Tinalakay kung paano dapat ipaglaban ang dangal at dignidad na hindi dapat sila husgahan at kutyain dahil sa bagay na kinatatayuan nila. Inilarawan din ang mga mapangutya, mapang-alipusta at mga taong walang alam sa mga bagay na kanilang hinuhusgahan. Ang kwentong Impeng Negro ni Rogelio Sicat ay isang akdang maihahalintulad sa ginagalawan nating lipunan sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng paghimaymay sa iba't ibang bahagi nito naipakita niya ang iba't ibang kaganapan na maaring dinaranas ngayon ng maraming Pilipino. Isa na nga rito ang superyoridad base sa kulay o rasismo. Naitatak na ating isipan na mas maganda o mas nakalalamang ka sa iba kung ikaw ay mas maputi at mas nakabababa naman kung ikaw ay maitim, kaya't ganoon na lamang ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga produktong nakapagpapaputi ng kutis. Isa ito sa maling kaisipan na naitatak sa atin dahil na rin sa pananakop ng ilang kanluraning bansa na karamihan ay puti ang kulay ng balat. Sana magsilbing aral sa atin mula sa maikling kwento na hindi kabawasan ng pagkatao natin ang kulay ng balat na mayroon tayo, kahit ano pa man ang kulay natin ay nararapat na ito'y ating tanggapin at sa pamamagitan nito ay magagawa nating humarap sa iba ng may pagmamalaki at lakas ng loob.
NONFICTION
Kubeta
“Ang klase ng kubeta ng mamamayan ay sukatan din ng kalagayan ng lipunan.”
Nagkaroon ng palaisipan sa akin kung anong mayroon sa kubeta at bakit ipinamagat ito ng may akda. Napakabulgar kasi ng ginamit na pamagat kaya naman lalong nagbigay ng interest sa akin. Aking nalaman na napakahalaga pala ng isang kubeta sa isang komunidad upang malaman ang estado ng ating lipunan pati na rin ang kakayahan ng gobyernong punan ang kakulangan at problema sa barangay man o sa buong bansa. Ang nakakalungkot kasi sa panahon ngayon, madalas ang ating gobyerno ay nakapokus na lamang sa kung ano ang magagawa nila sa Pilipinas upang lumabas na nakasasabay ang ating bansa sa modernong pag unlad ng mga bansang mayayaman o tinatawag ding kapitalista. Sa kabila nito, nakakubli ang katotohanan na sa loob ng ating bansa ay punong puno ng mga mamamayan na lugmok sa kahirapan at mga pamayanan na hindi nabibigyang atensyon, na kahit simpling kubeta lamang ay napapabayaan.
Forced by Habit
Ang pamamaraan ng pagkukuwento ng sumulat ng malikhaing akda ay tunay na nakaaaliw. Ang mga salitang ginamit may napapanahon at halimbawa nito ang paggamit ng mga salitang nagpapahiwatig ng ekspresyon katulad ng "linshak" sa panghuling bahagi ng akda. Tumakbo ang kwento sa pag-uusap ng guro at estudyanteng si Ced at ang pinoproblema nito sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay maaaring bumuo sa iyo at maaari ring sumira sa iyo. Sa panahon ngayon, hindi lamang sa pagitan ng magkaibang kasarian namumuo ang pag-ibig, pwede na rin sa pagitang ng kaparehong kasarian. Ang pag-ibig ay mapagpalaya, kaya't kung pakiramdam mo ay nakakulong sa sa pag-ibig na iyan, mag-isip ka na. Walang masama sa pagmamahal, basta suguraduhin mo na wala kayong nasasaktan na iba sa pagmamahalan nyo.














