Moondrop No.17 | Jason Gupay and Erika Gumidam
Ang Escritura | Isang Istorya
“Nagsisimula na akong matuto na ang buhay ko ay isang kwentong isinasalaysay sa akin at hindi isang kwentong ako mismo ang nagsasalaysay. Ganunpaman kailangan kong magpangggap na ako pa rin ang nagkukwento. Bakit? Dahil kailangan.” Pangungusap na bigla ko na lamang naisulat sa isang kapirasong papel na nasa ibabaw ng aking mesa.
Ako si Alvin, isang simpleng mamayan ng bansang papaunlad pa lamang, sabi nila. Ngunit di ko lubos maisip kung bakit nila sinasabing ang bayang ito’y papaunlad gayong tila wala namang nararamdamang pag-usad kaming mga kapus-palad. Kahirapan, mababang sweldo, kawalang katarungan, di patas na pagtingin sa mahirap at mayaman kung saan lagi nalang agrabyado ang mga walang laban, mga tiwaling tao sa pamahalaan, eleksyong tila paligsahan ng mga mabubulaklak na salita at mga pangakong kapanipaniwala ang labanan, di matapos-tapos na awayan at iringan ng mga taong mataas kuno ang katungkulan at pinag-aralan ngunit ang utak at puso naman ay nasa talampakan. Marami pang suliranin ang lupaing ito ngunit di ko na iisa-isahin pa dahil baka kulang pa ang mahabang listahan ni Santa.
Nagtatrabaho ako sa isang kompanya ng pagawaan ng poster, magazine at dyaryo. Kung saan ang sumunod lang sa agos ang puhunan sa pagtatrabaho. Halos maghahating gabi na naman ng makauwi ako sa aking maliit, at lumang apartment na aking tinitirahan. Kung saan sobrang init kapag tag-araw at tumutulo naman ang bubungan kapag umuulan. Isang libo at limang daan ang upa ko rito, na mahal ng maituturing para sa aking isang dukha lamang. Ngunit ano pa nga ba ang aking magagawa, mura na daw ito kung ituring ng landlord, at di pwedeng maging maarte sapagkat ito lang rin ang kaya ng aking bulsang halos mabutas na sa kadudukot ng mabibigat na barya ngunit maliit lang ang halaga.
Sa pagod ay agad na lamang akong napahiga sa aking matigas na kama at napabuntong hininga. Sobrang ginaw ng paligid at sa puntong ito ay wala ng maramdaman ang aking mga kamay, at tila namamanhid ang aking buong katawan. Rinig ko ang malalakas na mga patak ng ulan sa labas. Ako’y nag-iisa na naman sa apat na sulok ng kahong pader na ito. Ipinikit ko ang aking mga mata, at sa aking pagpikit ay naramdaman ko ang lamig ng tubig na lumabas mula sa pagitan ng talukap ng aking dalawang mata at patuloy na dumadaloy pababa sa aking pisngi, kasabay nito ang mga patak na nagmumula sa aking butas na bubungan. Di ko alam kung ano ang aking nararamdaman ngayon, tila pagkamuhi ata ito sa aking sarili. Pakiramdam ko’y nasa gitna ako ng karagatan at walang sinuman ang sumasaklolo sa kabila ng aking malalakas na sigaw habang nalulunod sa kawalan.
Biglang tumunog ng malakas ang aking orasan, hudyat na kailangan ko ng bumangon at simulan ang bagong umaga. Kailangang gumising ng maaga sapagkat bawal mahuli sa trabaho. Sinangag ko ang bahaw na natira sa aking kaldero, bawal magsayang sapagkat ang bawat butil ng bigas ay may halaga. Katumbas nito ang hirap, pagod at pawis ng mga kawawang magsasaka na sinasamantala naman ng mga mga walang awang kapitalista. Sadyang di mawawala ang mga negosyanteng handang gipitin ang mga sektor na sa tingin nila’y mahihina. Bumili ako ng tuyo at kamatis sa malapit na tindahan, sapat ng pangpawi sa kumakalam kong tiyan.
Nagkokomyut lang ako sa pagpasok sa aking trabaho, sumasakay ng jeep at pedicab. Ang buhay nga naman ng isang komyuter na gaya ko, talamak ang takbuhan, tulakan, habulan, sabitan, singitan at siksikan. Araw-araw na pakikipagsapalaran sa daanan at pakikipagpaliksahan sa mga sasakyan. Nariyan ang mga barumbadong driver, mga pasaherong maiinit ang ulo at higit sa lahat ang banta ng trapik na di malutas-lutas. Ang bumper to bumper at mabagal na trapiko ay simbolo na nga ng mabagal na pagbabago sa bansang ito. Ngunit ano nga bang magagawa ng isang tulad ko.
Pagdating ko sa aking pinagtatrabahuhan ay bumungad kaagad ang nakabusangot na mukha ng aming manager, ano pa nga bang bago dun? Lagi naman talaga siyang nakasimangot. Ang panget niyang ugali ang siyang nagpapapanget ng umaga namin sa opisina. Halos lahat ay abala sa kaniya-kaniya nilang gawain kung kayat pati ang pagngiti at pagbati sa kapwa’y nalimutan na. Limang taon na akong nagtatrabaho sa kompanyang ito bilang writer ngunit maliit lang ang sinusweldo ko sapagkat di ako regular sa trabaho, hindi kasi ako nakapagtapos ng kolehiyo. Dalawang taon lang sa kolehiyo ang kinaya ko sa kursong pagsulat, hindi dahil bulakbol ako sa pag-aaral kundi dahil di kayang tustusan ng aking inay ang pag-aaral ko. Lalo pa’t siya’y biyuda na, ako pa ang panganay sa aming limang magkakapatid, sa kasamaang palad pa’y maaga silang nagsipag-asawa at nag-aaral naman ang bunso kong kapatid. Sinubukan ko ring mag-aral habang naghahanap-buhay ngunit di ko rin kinaya dahil kalahati ng kinikita ko’y pinapadala ko sa nanay kong may sakit sa probinsya, kung minsan nga’y nagkukulang pa kung kaya’t di maiwasang mangutang sa iba. Ganito kasaklap ang buhay ng isang hikahos na Pilipinong tulad ko. Ngunit tila ba hindi ito nakikita ng mga taong nasa tuktok ng tatsulok na sistema ng lipunang ito.
“Alvin! tapusin mo lahat ng ito ngayong araw,” sigaw ni manager, sabay bagsak ng gabundok na paper works sa mesa ko. Wala na lamang akong nagawa kundi ang huminga ng malalim at sundin ang kanyang utos. Yun naman talaga ang papel ko dito, ang maging sunudsunuran sa anumang sabihin ng mas nakatataas sa akin. Sabagay sa sistematikong industriya na ito, kahit na masipag, matiyaga, magaling at may abilidad ka kung wala kang diplomang maipapakita, pag-angat rin ay wala. “Maayos ba ang lahat dito sa mahal kong negosyo?” tanong ni Boss Abos sa sekretarya niyang daig pa ang linta sa galing sa pagsipsip sa kanya. Parang laging busog si Boss dahil sa kanyang malaking tiyan at ni hindi manlang magawang tumayo mula sa kanyang malambot na kinauupuan. Sabay kuha sa kanyang paboritong radyo at saka pinatugtog.
Pagbukas nito, agad na bumungad sa kanya ang awit na may lirikong “Tao po, nariyan po ba kayo sa malaking bahay at malawak na bakuran, mataas ang pader tila napaliligiran ng mga mamahaling mga sasakyan, mga bantay na laging bulong nang bulong, malakas man ang ulan ay walang butas ang bubong, mga plato’t kutsara nila’y di kilala ang tutong… Tao po na nakaupo, subukan niyo namang tumayo at baka matanaw, at baka matanaw ninyo ang tunay na kalagayan ko. Bato, bato sa langit ang matamaa’y wag magalit. Bato, bato, bato sa langit ang matamaan ay ‘wag masyadong halata. Huwag kang masyadong halata.” “Tang-ina! Napakapangit naman ng kantang ito!” sabay lipat ng istasyon ng radyo.
Kung tutuusin napagandang pakingggan ng musikong iyon lalo na kung para sa kanya. Likhang awit ng isa sa mga paborito kong mang-aawit at composer na kung tawagin ay Gloc-9. Isa siya sa hinahangaan kong Pilipinong rapper na nabubuhay ngayon na kilala ko, sapagkat ang kanyang mga awit ay sumasalamin sa katotohanan sa lipunan at gumigising sa ating mga diwa. Ngunit sa mga taong tulad ni Boss Abos, ang mga awit na ito ang isa sa dahilan kung bakit sumasakit ang ulo niya at marami ang sumusuway sa kanya.
Kung iisipin marami ng likhang sining, mga awit at sulatin ang nalikha upang mabago ang bulok na sistema na mayroon tayo. Ngunit marami pa rin talaga ang nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sa kanila. Silang mga walang inintindi kundi ang sariling kapakinabangan lamang nila o kaya’y tutulong raw ng walang kapalit ngunit ang totoo’y may interes. Ilang oras na ang lumipas pero halos kalahati palang ang natatapos ko. Madilim na ang langit ng matapos ko ang napakaraming gawain na ibinigay sa akin. “Kung tapos na kayo sa inyong mga ginagawa ay maaari na kayong magsi-uwi.” ani ng sekretarya ni Boss. Agad kong inayos ang aking mesa at lumabas ng opisina.
Sa aking pag-uwi ay tumungo muna ako sa palengke upang bumili ng kailangan sa bahay. Mapapansin ang ilang nagbebenta at mamimili na nagtatawaran sa presyo ng produkto. Samantalang ang iba naman ay pinipili ang pinakamurang ulam na maaari nilang mabili, magkalaman lamang ang kumakalam nilang sikmura ngayong gabi. Sadyang mahal na nga ang mga bilihin ngayon, ang laki na ng itinaas ng presyo sa kasalukuyan kumpara noon. Kaya di na nakapagtatakang marami pa rin ang naghihirap na mga Pilipino hanggang ngayon. Isa pa sa pinaka napansin ko ay ang mga maliliit at naglalakihang poster na nakasabit at nakadikit kung saan-saan ng mga politikong tatakbo ngayong eleksyon. Malapit na nga pala ang botohan, kung kaya ganoon na lamang mangampanya ang mga tatakbo sa halalan, wala namang bago, ganun pa rin ang kanilang kalakaran.
Pagdating ko sa aking bahay, binuksan ko ang luma ko ng telebisyon upang manuod ng balita. Totoo ngang nakawawalang-ganang manuod ng balita kung puro di magandang pangyayari sa ating bansa at kapaligiran ang madalas na nababalita. Nariyan ang mga di malutas-lutas na krimen, droga, nakawan, at katiwalian sa pamahalaan na paulit-ulit na lamang. Ganun pa man mahalaga pa rin na magkaroon tayo ng muwang at kaalaman sa mga nangyayari sa ating bayan.
Isang normal na araw na naman ang mayroon ako. Papasok na naman ako sa trabaho. Pagadating ko doon ay tila nagtsi-tsismisan na naman ang mga katrabaho ko. Bigla akong nilapitan ng katrabaho at kaibigan kong si Myrna, “Binabati kita Alvin! Napakagaling mo talagang magsulat ng mga artikulo sa dyaryo.” “Ha? Bakit anong ibig mong sabihin?” tanong ko sa kanya. “Napansin kasi ng isang non-profit organization ang mga sulatin mo sa pahayagan natin at namangha sila sa mga ito kung kaya’t nais ka nilang bigyan ng parangal bilang pagkilala sa kahusayan mo.” Di ako makapaniwala sa kanyang sinabi at tila hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Napakasaya nga namang malaman ang bagay na iyon. “Mamaya daw ay pupunta sila dito upang interbyuhin ka at ibigay sayo ang plake ng pagkilala,” dagdag pa niya.
Pagkaupo ko ay tila naririnig ko pa rin ang ibang nag-uusap, “Di ako makapaniwalang siya pa ang napiling parangalan! Masyado siyang mapapel! Ni wala nga siyang posisyon dito sa kompanya at hindi niya pa natapos ang kurso niya.” “Sshhh… tumigil ka nga baka marinig ka pa niya, eh ano namang masama dun, ginagawa niya naman ng maayos ang trabaho niya, bat di mo nalang siya gayahin, gawin mo rin kaya ng maayos ang trabaho mo.” Di ko na lamang pinansin ang narinig ko, tanggap ko naman ang katotohanang may mga tao talagang tulad nila na nagpapatunay ng “crab mentality” na mayroon tayong mga mga Pilipino. Sa halip na maging masaya sila para sa nakamit ng kapwa nila, ay hinihila pa nila ito pababa. Inggit ang nananalaytay sa dugo nila kung kaya’t nakakaramdam sila ng lungkot kapag may magandang nangyayari sa kapwa nila, at sumasaya naman kapag nakikita nilang bumabagsak ang kapwa nila. Di kayang maging masaya para sa iba kundi para sa sarili lamang nila.
“Alvin nandyan na sila! Maghanda ka na.” ani ni Myrna. Agad kong inayos ang aking sarili at humarap sa kanila. “Magandang umaga po sa inyo.” ang sabi ko. Itinutok nila sa akin ang isang kamera. “Lubos ka naming binabati Ginoong Alvin Makintal! Kami ay mula sa organisasyong PLUMA, at narito kami upang ihandog sa iyo ang plake at salapi bilang parangal at pakilala sa iyong natatanging kahusayan at dedikasyon sa pagsulat ng mga artikulo sa inyong pahayagan.” Narinig ko ang palakpakan ng iba kong kasamahan at tila nakaramdam ako ng kasiyahan sa aking puso. “Maraming salamat po sa inyo,” bigkas ko habang nakikipagkamay sa kanila. “Ano naman pong mensahe ang maiiwan mo para sa mga taong nais ring maging manunulat tulad mo?” tanong pa ng isa sa kanila. “Ahm… Ang masasabi ko lang po ay “ano man ang mangyari ay ipagpatuloy natin ang pasyon natin sa buhay, hindi lamang para sa ikabubuti ng ating sarili kundi para rin sa ating kapwa at bansa. Ahm yun lang po at maraming salamat po ulit.” sagot ko. “Wow napakagandang pakinggan, muli mula sa aming mga taga-Pluma ang taos pusong pagbati sa iyo, sana’y ipagpatuloy mo ang pagiging isang mabuting huwaran sa iyong kapwa.” Saka kami nagkuhaan ng mga litrato.
Isa na siguro ito sa pinakamagandang nangyari sa buhay ko sa loob ng dalawampu’t walong taong pamamalagi ko dito sa lupa. Para akong isang kusot-kusot at blankong papel na nagkaroon ng silbi at pakinabang. Ngunit napansin kong hindi manlang ako binati ni Boss Abos, ng kanyang sekretarya at kahit manlang ni Manager. Ngumingiti lamang sila sa akin at tila pilit pa. Kung tutuusin hindi ko na dapat iyon ipagtaka. Di ko na dapat yun isipin sapagkat espesyal ang araw na ito para sa akin. Pagkatapos ng trabaho, dumeretso ako sa padalahan ng pera upang ipadala kay inay ang kalahati ng perang natanggap ko mula sa Pluma para pambili ng kanyang gamot at pantustos sa pag-aaral ni bunso. Halos kakaunti lang rin ang matitira sa akin sa salaping aking natanggap sapagkat ibabayad ko pa ang iba dito sa aking utang.
Lumipas ang mga sumunod na araw at bumalik na naman sa dating gawi ang buhay ko. Nagbubulong-bulungan na naman ang mga katrabaho kong walang magawa. “Ana, ano na naman bang meron ngayong araw at di sila mapakali?” ang tanong ko sa kanya. “Pupunta daw kasi dito si Konggresman Lino Alapaap, kakausapin daw si Boss para sa isang proyekto dahil sa susunod na linggo na ang halalan diba,” sagot niya. “Ah ganun ba, ano na naman kaya yun? Hays ang mga politiko talaga,” dagdag ko. Kilala kasi si Konggresman Lino bilang isang mabait pero arogante, matapang, ganid at maraming natatagong bahong politiko. Kapag siya’y nasa harap ng kamera, para siyang isang napakabuti at mapanindigang tao, nagkukunwaring may pakialam sa mamamayan ng kanyang nasasakupan. Nanalo lang naman siya sa eleksyon dahil sa dayaan at pagbili niya ng boto. At kahit ganyan ang ugali niya ay nakapagtatakang may mga supporters pa rin siya. “Pera, pera lang yan,” yan na ata ang motto niya sa buhay.
Dumating na si Konggresman Alapaap kasama ang kanyang mga gwardiya, at agad silang dumeretso sa opisina ni Boss Abos. Tila seryoso ang pinag-uusapan nila sa loob. Maya-maya pa’y biglang lumabas ang sekretarya nito at lumapit sa akin. “Alvin, pinatatawag ka ni Bosss sa kanyang opisina.” Nagulat ako at nagtaka sa kanyang sinabi, at halos napatingin sa akin ang mga katrabaho ko. “Bakit raw?” tanong ko. “Wag ka nang magtanong at sumunod ka na lang!” sambit niya. Kung kaya’t sumunod nalang ako at pumunta sa opisina ni Boss. Pagpasok ko’y bigla niyang sinabing “Maupo ka.” Nakapangingilabot ang kanyang mga ngiti na para bang may mali. “Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa. Narito si Konggresman upang kausapin ka at magbigay sa iyo ng isang alok at oportunidad,” dagdag niya. Sa halip na makaramdam ng tuwa ay kinabahan ako sa kanyang sinabi dahil di ko alam kung ito ba’y mabuti o masama, at isa pa si Konggresman Lino Alapaap ang kaharap ko ngayon.
“Narinig ko ang balita tungkol sa parangal na natanggap mo mula sa Pluma at ako’y napahanga mo. Bilib ako sa isang manunulat na tulad mo. Binabati kita sa iyong nakamit!” Di ako kumibo sa kanyang sinabi. “Di ka manlang ba magpapasalamat sa sinabi ko?” tanong niya sa akin. “Mawalang galang na po konggresman pero maaari po bang deretsohin niyo na ako. Marami pa po kasi akong trabahong kailangang gawin. At isa pa alam ko naman pong hindi lang kayo pumunta dito para batiin ako kundi may pakay kayo sa akin, tama po ba?” imik ko sa kanya. “HAHAHA, magaling ka, gusto ko ang ugali mong yan. Matalim kung magsalita at deretso sa punto.”
Pero bata magdahan-dahan ka at baka di mo kilala kung sino ang nasa harapan mo ngayon.” “Kilala po kita Konggresman.” “Ayun naman pala, pero di bale pagbibigyan kita ngayon. Alam mo namang sa susunod na linggo na ang botohan, kung kaya’t kailangan kong makakuha ng maraming boto at manalo. Ang nais ko’y magsulat ka ng artikulo tungkol sa akin. Gusto kong purihin mo ako at pabanguhin mo ang pangalan ko sa artikulong isusulat mo para marami ang maniwala at iboto ako ngayong eleksyon. Huwag kang mag-alala dahil babayaran kita ng napakalaking halaga,” alok niya sa akin.
“Mukhang isa ka po sa mga politikong desperadong manalo ngayong eleksyon. Pero ipagpaumanhin mo po sapagkat di po ako kagaya ng iba na nabibili ang dignidad. Hinding hindi ako magsisinungaling sa maraming tao para lang sa isang politikong tulad mo na walang ginawa kundi ang paikutin ang ulo ng mamamayan.” “Abay napakalakas ng loob mong sabihin sa akin yan. At ikaw ano bang papel mo sa lipunang ito?! Isa ka lang namang pipitsuging manunulat.” “Patawad ho kagalang-galang na konggresman ngunit sinasabi ko lang ang totoo, at sabihin niyo na ang lahat ng gusto niyong sabihin sa akin pero hinding-hindi ko isusugal ang prinsipyo ko. Nagsusulat ako para sa bayang ito at hindi para sa isang pulpol na politikong gaya mo.”
“Sinasabi mo bang tinatanggihan mo ako? Putang-ina, ang kapal naman ng mukha mo. Dapat nga’y magpasalamat ka pa sa akin dahil inaalok kita ng malaking pera at ang simple lang naman ng pinapagawa ko sa’yo. Yang dignidad na sinasabi mo. Aanuhin mo yan kung naghihirap ka naman?! Sa panahon ngayon, sa pera na umiikot ang buhay ng tao!” “Kung ganun ‘wag na ‘wag mo po akong igagaya sa mga taong nasisilaw sa salapi, dahil di ako tulad nila! Oo, mahirap lang ako pero wala kayong karapatang maliitin ang pagkatao ko. Buti nga po’t iginagalang pa kita kahit di ka kagalang-galang na tao. Dignidad at prinsipyo nalang ang meron ako na maipagmamalaki ko bilang tao, at hindi ko hahayaang madungisan pa ito. Binuhay at pinalaki ako ng maayos ng nanay ko, at tinuruan niya akong magpahalaga sa bagay na mayroon ako.”
“Balita ko may sakit ang nanay mo at pinapaaral mo ang bunso mong kapatid. Alam kong mas kailangan mo ng pera ngayon, magmamatigas ka pa ba?” “Kahit na ano pa pong sabihin mo hinding-hindi na po magbabago ang isip ko, di bale nalang ho kung galing lang rin sa nakaw, kasamaan at kasinungalingan.” Palabas na ako ng pinto ng sabihin ni Boss na, “Kung gayon lang rin Alvin, tanggal ka na sa trabaho at ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo dito!” Wala akong nagawa kundi ang iligpit ang mga gamit ko at maglakad papalabas ng kompanya. “Yan kasi ang yabang mo! Yan ang napapala ng mga taong tulad mo. Hahaha, kung ako ang nasa kalagayan mo tinanggap ko na ang alok ni Konggresman.” Parinig ng sekretarya ni Boss sa akin. “Pwede bang itikom mo na yang bibig mo, hindi ako kagaya mo na isang linta!” “Anong sabi mo?! Umalis ka na nga!”
Habang binabay-bay ko ang daan pauwi, tila pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Walang pagdadalawang-isip akong tinanggal sa trabahong matagal ko nang pinag-alayan ng dugo at pawis ko. Kung kailan mas kailangan ko ng trabaho ngayon, saka pa ako nawalan. Pagkadating ko sa bahay ay agad akong napahiga sa aking higaan ng biglang tumunog ang aking cellphone. Tumatawag si Clarisa, ang bunso kong kapatid. “Hello, Oh Clarisa bakit napatawag ka? Gabi na ah.” “Kuya umuwi ka muna dito sa Laguna sabi ni ina’y, gusto ka daw muna niyang makita bago siya kunin ng Panginoon.” “Huh! Anong nangyari kay inay?” “Isinugod namin siya sa hospital kaninang hapon dahil inatake nanaman siya ng sakit niya. Kritikal na daw ang lagay niya kuya, sabi ng doktor.” “Sige, sige, babyahe agad ako papunta diyan, mga bukas ng tanghali nandyan na ako.” “Sige kuya mag-iingat ka.” “Salamat, bantayan at alagaan mo si inay ah.” “Opo kuya.” Sa mga panahong ito, wala na akong malalapitan pa kundi ang Diyos, at ipaubaya na lang sa kanya ang lahat sa pamamagitan ng panalangin.
Kung kukunin niya na ang aking ina, sana’y bigyan niya pa ako ng pagkakataong makita at makausap si inay kahit sa huling sandali ng kanyang buhay at masabi ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Inimpake ko ang aking mga gamit at kinuha ang kaunti kong ipon na nakalagay sa maliit na kahon. Pagkadating ko sa probinsya, agad akong pumunta sa hospital kung saan naka-confine ang aming inay. Sinalubong ako ni Clarisa kasama ang iba ko pang kapatid. “Salamat at nakarating ka dito ng maayos kuya, kanina ka pa hinihintay ni inay.” sambit ng aking bunsong kapatid. Nilapitan ko si inay na tila hirap ng magsalita. Ngumiti siya ng makita ako at hinawakan ang aking mukha. Hinalikan ko naman ang kanyang noo.
“Alvin, ang panganay kong anak, buti naman at naabutan mo pa ako. Alam mo bang sobra na kitang namimis.” “Ako rin po, labis rin kitang namimis inay. Mahal na mahal po kita at lubos po akong nagpapasalamat dahil ikaw ang aking naging ina. Hinding-hindi ka po mawawala sa aming puso’t isipan inay. Ngunit sana’y bigyan mo pa po kami ng pagkakataong makasama ka pa.” “Matanda na ako Alvin, matagal na rin ang inilagi ko sa mundong ito. Kaya siguro panahon na upang ako’y magpaalam sa inyo. Ang hiling ko lang ay wag ninyong papabayaan ang isa’t isa bilang magkakapatid at lagi ninyong aalalahanin ang mga aral na iiwan ko sa inyo, dahil yan lang ang maipamamana ko sa inyo. Sana’y maluwag ninyong tanggapin ang aking pagkawala.” Pagkasabi niya ng mga katagang iyon ay di ko namalayang tumulo na aking mga luha.
“Alvin, bago mahuli ang lahat, may isang bagay akong ipagtatapat sa iyo. Dapat ay matagal ko ng sinabi sa iyo, ngunit ayaw ko namang iwan ka ng di mo nalalaman ang katotohanan tungkol sa iyong pagkatao.” “Ano po ‘yon inay?” “Ito ay tungkol sa pagkatao ng iyong tunay na ama.” Nabigla ako sa sinabi ni nanay. “Ho? Ano pong ibig mong sabihin nay?” “Iba ang iyong ama. Ikaw ay bunga ng isang pagkakamali. Nangatulong ako noon sa isang mayamang pamilya sa Maynila, at nahulog ang loob ko sa lalaking anak ng aking amo. Siya’y matipuno at malambing ngunit masama ang ugali ng kanyang pamilya lalo ng kanyang amang isang politiko. Nagkaroon kami ng lihim na relasyon hanggang sa may nangyari sa aming dalawa at nagbunga ang aming pagmamahalan. Nalaman ito ng kanyang pamilya at pinagbantaang papatayin ako at ang aking dinadala. Ni hindi manlang ako nagawang ipaglaban ng iyong ama.”
“Naduwag siya at mas pinili ang pangalan niya. Kung kaya’t hinayaan niya akong makatakas at sinabing magpakalayo-layo na lamang. Ipinagbubuntis kita ng bumalik ako dito sa Laguna at saka ko nakilala si Manuel ang tumayong ama sa iyo at ng mga kapatid mo. Ngunit tila mailap ang tadhana sapagkat maaga rin siyang kinuha ng panginoon. Pinagsisisihan kong una akong nagmahal sa isang maling lalaki, ngunit hinding-hindi ko pinagsisisihang nagkaroon ako ng isang napakabuti at mapagmahal na anak na tulad mo. Maswerte ako’t naging anak kita Alvin, biyaya ka ng Panginoon sa akin.” “Kung ganun sino po ang aking tunay na ama?” “Ang pangalan ng iyong ama ay Lino Alapaap,” at saka nalagutan ng hininga ang aming ina. Bumuhos ang luha naming magakakapatid at ako nama’y di makapaniwala sa aking nalaman na ang isa sa mga taong kinamumuhian ko’y siya palang tunay kong ama.
Makalipas ang isang linggo matapos ilibing si inay ay gulong-gulo ang damdamin ko at patuloy pa rin akong nagluluksa sa kanyang pagkawala, kahit na sinabi niyang maluwag namin itong tanggapin ay mahirap pa ring isipin na wala na ang taong nagpalaki at nag-aruga sa akin. Para bang gusto kong bumalik sa pagkabata, sa mga panahong kasama ko pa siya at pinupunasan niya ang aking pawis sa paglalaro. Panahong pinapagalitan niya ako kapag may nagawa akong mali, at pinupuri naman kapag may nagawang tama. Mga sandaling tinuturuan niya pa akong mag-abakada at magbilang, kung kailan simple lang ang kasiyahan ng isang musmos na tulad ko noon. Napagtanto kong mas komplikado pala ang buhay kapag malaki ka na at kailangan mo nang tumayo sa sarili mong mga paa. Lumipas pa ang ilang linggo at namalagi muna ako dito sa probinsya kasama ang aking mga kapatid kung saan sariwa ang hangin at payapa ang paligid. Ibang-iba sa buhay sa maingay na Maynila. Halos ginugol ko ang oras at araw ko sa pagsusulat ng isang aklat na nais kong ilimbag na pinamagatan kong “Huling Sambit”. Tila panulat ang naging kaibigan ko at papel ang naging panyo ko sa mga panahong ito na siya namang pumunas sa aking mga luha.
Matapos ang ilang buwan, nagpasya akong bumalik sa Maynila upang ipalimbag ang librong nais kong mailatahala at mabasa ng maraming Pilipino sapagkat sumasalamin ito sa realidad sa buhay ng isang payak na pamilyang Pilipino at sa lipunang ginagalawan nito. Patungkol ito sa magkakaibang kapalaran ng tao sa iba’t ibang aspeto, kung paano lumaban sa buhay at pinalaki nang marangal ng isang mapagmahal na ina ang kanyang anak ng may tamang pangangatwiran, prinsipiyo at dignidad. Pagdating ko sa terminal ng bus sa Maynila ay nakita ko ang isang malaking tarpaulin na nakasabit at mababasa ang, “Binabati ka namin Konggresman Lino Alapaap sa iyong muling pagkapanalo!” Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman ngunit sinabi ko nalang sa aking sarili na wala na akong pakialam sa kanya at hindi magbabago ang pagtingin ko sa kanya. Kahit kailan ay di ko siya kikilalanin bilang aking ama at wala akong balak na ipagtapat sa kanya ang totoo. Masaya ako sa buhay na wala siya. Ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit sinusuportahan at hinahayaan pang manalo ng mamayan ang isang politkong gaya niya? Nawawala na ba ang kanilang talino sa pagboto o napaoo lang sila sa mga panliligaw, panunuyo at pambobola ng mga ito? Nakakabahala ito sapagkat nakasalalay rin sa kamay ng mamamayan ang kinabukasan ng bayan.
Pagkalipas ng ilang araw ay nalimbag na ang aking likhang libro at naipamahagi na rin ito sa maraming tindahan ng mga aklat. Natutuwa ako at marami ang bumibili ng aking libro at agad itong nagiging sold-out sa mga pamilihan kaya naman mas dumami pa ang pagpapalimbag ng mga kopya nito. Marami rin ang nagbibigay sa akin ng mensahe at nagsusulat sa akin na nagpapahiwatig ng kanilang pagsuporta at paghanga sa nilalaman ng aking aklat. Marami ding mambabasa at kritiko ang naging maganda ang rebyu at feedback sa aking isinulat na babasahin. Dahil dito ay nakalikom ako ng malaking pera para sa aming magkakapatid, at kinuha ako bilang tagasuri at manunulat ng isang malaking publication company. Umayos at gumanda ang buhay namin sa awa ng Panginoon. Ngayon ay may sarili na kaming lupa at nakapagpatayo na din kami ng malaking bahay na matagal na naming pinapangarap.
Isang gabi, nang papauwi na ako galing sa aking trabaho. Papasok palang ako ng aking kotse ng biglang may tatlong lalaki ang lumapit sa akin na agad na binusalan ang aking bibig at ako’y nawalan ng malay. Isinakay nila ako sa isang sasakyan at dinala sa liblib na lugar. Nang ako ay magkamalay, iminulat ko ang aking mata ngunit wala akong makita, piniringan nila ang aking mga mata, nakatali ng mahigpit ang aking mga kamay at paa. Naramdaman kong may tatlong lalaki ang nakapaligid sa akin at pinagtatawanan nila ako. “Sino kayo? Anong pakay ninyo sa akin? Pakawalan niyo ako parang awa niyo na may pamilya pa ako. Wala kayong mapapala sa akin. Alam niyo bang maaari kayong makulong dahil sa pag-kidnapped sa akin.”
Wala silang naging tugon sa mga sinabi ko kundi ang nakapanririndi nilang tawanan. “Sa susunod kasi kikilalanin mo muna kung sinong binabangga mo at baka balikan ka. Sige bugbugin na yan!” Pinagsisipa nila ako at walang habas na pinagsusuntok ng walang kalaban-laban habang nakalumpasay sa sahig, hanggang sa mapuno ng galos ang aking buong katawan at sumuka ng dugo. Wala na akong inaalala sa mga oras na ito kundi ang mukha ni inay at ng aking mga kapatid. Pagkatapos ay iniupo nila ako. “Ngayon nais kang makausap ng aming amo, umayos ka!”
“Kamusta na Alvin, matagal din tayong di nagkita bata.” Pamilyar sa akin ang malamig niyang boses. Tinanggal nila ang aking piring at nasilayan ng aking dalawang mata si Konggresman Lino na nakatayo sa harap ko. “Sabi ko na nga ba, di ako nagkakamali, ikaw nga! Anong balak mo sa akin ha?! Pakawalan mo ako dito. Wala kang puso, isa kang demonyo!” “Hahaha! Hinay hinay ka lang sa pagsasalita Alvin. Wala ka paring ipinagbago, ganun pa rin ang ugali mo.” “Walang hiya ka! Palayain mo ako dito!” “At bakit naman kita susundin?! Diba’t may atraso ka pa sa akin, at kailangan mo pang pagbayaran ‘yon. Akala mo ba nalimutan ko na ang ginawa mong paglapastangan at pagpapahiya sa akin. Hindi ko nakakalimutan ang pangalan at mukha ng mga taong may kasalanan sa akin at isa ka na dun Alvin! Tunay ngang maliit ang mundo at pinagtagpo pa rin tayo ng tadhana, at balita ko pa’y matagumpay ka na daw ngayon, syempre hindi ako papayag ng hindi kita nasisingil.”
“Huwag kang mag-alala di naman kita ipapapatay kung hihingi ka lang naman ng tawad sa akin at aamining pinagsisisihan mo ang pagtanggi sa akin. Siguro naman ay nanghihinayang ka na sa di mo pagsunod sa akin noon.” “Wala akong pinagsisisihan sa mga naging desisyon ko hanggang kamatayan man, kahit na buhay ko pa ang maging kapalit! Itaga mo yan sa bato!” “Sayang ka bata, matapang ka pero isa kang malaking tanga!” “Kung ang kahulugan lang rin ng salitang tanga ay ang pagiging mapanindigan, mas pipiliin ko nalang maging tanga!” “Tama na ang satsat! Sige tapusin na yan!” bigkas niya. Naglalakad na siya papalayo sa akin ng bigla siyang nahinto sa mga salitang isinigaw ko, “Ako si Alvin Makintal panganay na anak ng aking butihing ina na si Carmen Makintal, at kinamumuhian kita dahil nananalaytay ang dugo ng isang kasuklam-suklam na nilalang na tulad mo sa pagkatao ko!”