MARAMING maaaring itawag ditto – gimik, squid tactics, demolition job o dirty tricks. Iyan ay bahagi ng maruming mundo sa pulitika o sa powerplay ng mga mayayaman at makapangyarihan.
Kung panahon ng eleksiyon, maraming mukha ang dirty tactics tulad ng dagdag-bawas sa boto, paggamit ng flying voters, pamimili ng boto o pananakot sa botante.
Kung disinformation campaign o demolition job naman, madaling gawin ito sa pamamagitan ng pagmamanipula sa TV, radio at mga dyaryo.
Gustuhin man nila o hindi, nagiging kasangkot din ang media. Tulad ng nangyayari sa impeachment trial, lahat halos ng lumalabas sa bibig ng depensa at prosecution ay kinakagat ng media.
Walang reporter o editor kasi na gustong ma-scoop o malagpasan ng mga balita. Lalunat galing ito sa mga batikan at de-kalidad na mga abugado sa impeachment trial.
Tulad ng biglaang press conference ng depensa noong isang araw ukol sa suhulan daw sa mga senador. May P100 milyon daw mula sa Malacanang na nakalaan sa bawat senador na susuway sa TRO ng Supreme Court hinggil sa dollar account ni Chief Justice Renato Corona.
Walang ibinigay na mga pangalan ang depensa. Suntok sa hangin at walang pruweba ang nasabing istorya pero lumabas ito sa unang pahina ng mga dyaryo.
Dahil sa istoryang ito, sinabon kahapon ng mga senador at binantaan na parurusahan ang mga abugado ng depensa.
Kahit pa mapatunayan na totoo ito at hindi isang demolition job, naisahan na ng depensa ang mga senador.
Sabi nga ni Sen. Peter Cayetano, pag pumanig ka sa TRO, baka sabihin na kampi ka kay Corona . Pag hindi ka pumayag sa TRO, baka mapagbintangan ka naman na nabigyan ng Malacanang ng P100 milyon.
Nakorner tuloy ang 13 senador na lumantad na panig sa TRO. Siguradong usap-usapan ngayon kung ang 13 senador ay boboto rin para i-acquit si Corona. Pustahan tayo?