Hindi na naman ako makatulog. Sanay na katawan ko matulog ng alas tres o minsan pa alas kwatro. Kung makakatulog man, magigising din ng ala una o alas dos. Kanina habang nag-iisip ako ng OPM na kanta, bigla kong naalala 'to. Love Team - Itchyworms Napangiti ako. Hindi ko alam kung kailan ba niya 'to binigay. Magtatapos ata kami ng 2nd year o magsisimula ng 3rd year. Napangiti ako kasi pwede ka palang maging masama sa paningin ng iba dahil sa pagiging inosente. Nakaupo ako sa unang column, pangalawang row nung second year kami. Katabi ko sa klase yung best friend niya na walang ibang kinwento sakin kundi yung panaginip niyang tungkol sa basketball na kahit gusto ko ang basketball, hindi ko magawang maging interesado sa kuwento niya. Tatango lang ako. Kunwari tatawa. Siya, ilang upuan lang ang layo samin. Mas matangkad siya sakin. Lagi niya ngang sinusukat height ko at lagi niya ring tinatanong kung bakit hindi ako tumatangkad. Madali rin siyang pakisamahan, akala mo nerd pag suot ang salamin pero pagkausap mo naman, di pwedeng di ka mapapangiti. Hindi ko alam kung san nagsimula o bakit binigay niya pabirong binigay sakin yung kantang yan. Pag naaalala ko, natatawa na lng ako. Nung una, nakikipagpalit lang siya sakin ng upuan tuwing lunch para sabay silang kumain ng bestfriend niya. Hanggang sa dun na siya nakikipagpalit ng upuan sa bestfriend niya para lang magpaturo sa Math. Mas matalino siya sakin, feeling ko nagsasayang ako ng oras dahil nagtuturo ako sa taong mas may alam pa sakin. Araw-araw yun. Algebra, Geometry o kahit Stat. Minsan kahit hindi na Math subject nmin, nakatabi pa rin siya sakin. At kahit na malayo yung upuan ko sa pagkokopyahan ng lecture, di pa rin siya aalis sa tabi ko. Palibhasa mas malinaw mata ko, ako kokopya sa blackboard, siya kokopya sa notebook ko. Madalas din kaming magkuwentuhan. Tungkol sa pamilya, pambabatikos sa mga pulitiko hanggang sa nangongopya kong mga kaklase. Madalas pareho takbo ng utak namin. Madalas tatanungin niya ko kahit alam niya ang sagot at alam kong sinusubukan niya lang ako kaya magbibigay ako ng maling sagot. Tatawa na lang kami. Napagalitan pa nga kami isang beses dahil nagpukpukan kami ng plastik na bote. Naging close kami pero kaibigan lang talaga turing ko sa kanya. Inaasar pa nga kami ng mga kaklase ko pero tumatawa lang ako. Minsan pabiro siyang tititig sakin, makikipagtitigan ako pero ako rin unang susuko. Nakakatawa muka niya haha. Hanggang sa wala na. Hindi ko alam kung bakit biglang isang araw di na sya nagpapaturo sakin sa Math. Hindi na siya tumatabi sakin. Chinat niya ko isang araw. Wala namang kuwenta pinag uusapan namin sa chat. Tanungan lang ng assignment o kaya asaran. Pero nung araw na yun, nagbigay siya ng kanta. Una at huling kantang binigay niya. Hindi niya sinabi kung para sakin ba, basta pakinggan ko raw. Sa una masaya pero pag pinakinggan mo yung liriko, masakit pala. Self-explanatory na yan! Pakinggan mo yung kanta. "Si-sinungaling ka" pero lahat ng pinakita ko sa kanya totoo. Namisinterpret niya lang siguro. Hindi nagkaunawaan. Ngayon, nang maalala ko ang kantang 'to, nakakatawa lang. At alam kong matatawa rin siya pag pinaalala kong binigay niya yan dahil di niya siguro maaalala kung bakit at kailan niya binigay. Mga bata nga naman oh. Mapaglaro. Mapagbiro :) -V









