Ang aking nanay, si Maria Lina Aficial. Isang inang walang katulad. Mahal na mahal ko siya, kahit anong mangyari. <3
Para kay nanay, ate, lola, at pati na rin sa mga kalalakihang tumayo bilang ina para sa kanilang mga anak, isang Maligayang Araw ng mga Ina sa inyong lahat! :)
Ano nga ba ang ibig sabihin ng araw na ito para sa inyo? Para sa iba, ito ay isang ordinaryong araw lamang, marahil ay araw ito ng pagluluksa dahil sa namatay na ang inyong nanay o 'di kaya'y hindi sila naaruga ng tama ng kanilang nanay, maaari rin itong araw ng salu-salo upang ipangalandakan sa sangkatauhan ang mga kabayanihang ginawa ng ating mga nanay para lamang sa ating kapakanan. Kahit ano pa man ang dahilan, ang pagiging isang tunay na ina ay mahirap gawin, lalong mas mahirap pangatawanan kung lugmok sa kahirapan o 'di kaya'y laging maraming ginagawa sa trabaho, ngunit kung ito ay nagawa ng tunay at wagas, saludo kami sa iyong kadakilaan! At kahit ano pa man ang paniniwala mo, Inang Dakila, nawa'y pagpalain ka, nang maipagpatuloy mo ang iyong tungkulin bilang ina sa iyong mga anak.
Para sa ating mga anak ng ating mga ina, intindihin sana nating hindi biro ang kanilang ginawa para sa atin, dahil kung hindi nila ginawa ang mga bagay-bagay para sa ating kapakanan, wala tayo sa ating kinatatayuan ngayon, marahil ay nasa may tindahan tayo sa kabilang kanto, tumatambay, umiinom, o 'di kaya'y gumagawa ng kung anong masamang gawain. Kung hindi man naging mabuti ang isang ina sa kanyang anak, tungkulin nating ituwid ang ganyang mga pagkakamali, upang hindi na ito maranasan ng susunod na salinlahi ng kabataan.
At para naman sa Inang Bayan, dahil sa patuloy na pakikibaka ng iyong mga anak upang ipaglaban ka, may katapusan din ang iyong paghihirap. Hangga't may mga anak kang tunay na nagmamalasakit sa iyo, huwag mawalan ng pag-asang makakaahon ka rin sa kahirapan. Kahit sino pa mang imperyalistang mananakop ang dumating, huwag sana nating kalimutan ang tunay na ibig sabihin ng pagiging isang Anak ng Bayan.
Muli, binabati ko kayo, Maligayang Araw ng mga Ina! At isang mapagpalayang umaga sa ating lahat! :)