Saloobin ni Dionisio Maling-Silang
Miguel Antonio
Walang kapares ang kahusayan ni Amorsolo. Kinaya ng isang kalalaking tao na itanghal ang lubos na kagandahan ng babae. Ngunit, nauunawaan kaya niya ito ang totoong saloobin ng mga babae? Ang mga matingkad niyang labi ay kasing pula ng umaagos na dugo, at mata’y pino’t mapagmahal. Ang kutis niya’y wari niyebe sa kulay ngunit siguro nang ito’y salatin ay sing kinis ng sutla. Kung minsa’y tumingin sa salamin, napapaisip ako. Nakakalimutan ko ang aking bruskong pagmumukha, kutis kong magaspang at maitim at matipunong katawan. Oo, sa labas buto’t balat lalaki. Subalit, sa loob, naroroon ang kagandahang pambabaeng kinilala ni Amorsolo.












