Ang Pelikulang Alpha Kappa Omega Batch ’81 ay isang dramatikong pelikula na pinagbidahan ni Mark Gil na pinamatnugutan ni Mike de Leon at isinulat ni Clodualdo del Mundo noong 1982. Ang pelikulang ito ay naglalarawan ng isang baluktot na kultura at ang siklo ng kalikasan ng karahasan at ang politika ng takot. Umikot ang istorya sa mga karakter na pinagbidahan nina Mark Gil bilang si Sid Lucero, Sandy Andolong bilang si Tina, Ward Luarca bilang si Pacoy Ledesma, Noel Trinidad bilang si Santi Santillan, Ricky Sandico bilang si Ronnie Roxas Jr., Jimmy Javier bilang si Vince at Rod Leido bilang si Arni Enriquez. Ipinakita ng pelikulang ito ang masalimuot na mga pangyayari at nangyayari sa loob ng isang fraternity, mga ritwal at parusa na kailangan umanong pagdaanan at kanilang sapitin upang makapasok ng tuluyan sa isang pangkat. Ito ay masining na paglalarawan kung paano naguumpisa ang lahat sa isang ideyang pagkakapatiran at sa kung paano ito madalas na nauuwi sa hiwalayan at sa kasamaang palad ay humahantong pa sa kasawian o kamatayan. Nasa mga mata ng ginagamampang karakter ni Mark Gil na si Sid Lucero na kaniyang ginampanan ng buong husay at buong dedikasyon, ang mga kasagutan na karamihan sa atin ito rin ang sadyang tanong, bakit nga ba sinisikap o hinahangad ng ilan sa atin na makihalok o sumapi sa mga ganitong klase ng kapisanan o yunyon? Kahit pa pinahihirapan at sinasaktan ng husto ay patuloy pa rin sila sa pagsali at pagdami, para nga lang ba ito sa simpleng paghahangad ng maituturing na kapatiran? Proteksyon? Social advances? Pagpapatuloy ng tradisyon? O matinding pagnanasa sa kapangyarihan? Ang sagot ay nasa bawat isa sa karakter na mga bagong kasapi sa nasabing fraternity. Bawat indibidwal ay may kaniya-kaniyang adhikain sa buhay at nangyari na lamang na nahanap nila ang kanilang mga sarili sa isang sitwasyon na humamon at sumubok sa kanilang pagkatao at kumwestiyon sa kanilang mga napiling desisyon sa buhay. Pinatunayan ng pelikulang ito na mahirap magpakatatag kapag umabot na sa puntong hinuhubad na ang iyong dignidad mula sa iyong katawan at ipinararamdam na isa ka lamang sunud-sunuran na gagawin ang lahat makapasa lamang sa initiation. Naiiba ang karakter na si Sid Lucero, siya siguro ang naglalarawan sa mga taong tunay na nakakapasa at nagiging “master” gaya ng sinasabi sa pelikula. Si Sid Lucero ang may pinaka may masidhing paghahangad o kagustuhan na makamit ang nasabing antas o ranggo. Umabot sa kasukdulan ang kaniyang pagmamatigas na kalaunan ay nawala ang kaniyang pigging sensitibo sa nararamdaman at pwedeng maramdaman ng kapwa niyang baguhan sa fraternity. Masasabing siya ay naging makasarili at mayroong pinaka nakakainteresanteng character development sa buong kwento ng pelikula. Marapat lamang palakpakan ang bawat isa na tumulong na bumuo at naging parte ng pelikulang ito na patuloy na tatak lumipas man ang napakaraming panahon. Buong tapang na ipinakita sa masining na paraan ang mga eksenang may kalupitan at pagpapakita ng marawal na kalagayan ng mga karakter. Batid kong hindi hinahangad o ninanais ng pelikulang ito na suportahan ang mga ganitong klase o uri ng samahan. Ayon sa aking pag-uunawa ito ay nagsisilbing isang malaking paalala na gumigising ng isang kamalayan o pagkabatid sa mga epekto ng pagsali at kanilang mga layunin o kanilang mga kadahilanan kung bakit sila’y pumapayag sa mga gawaing naghahatid ng labis na panganib, sakit ng katawan na madalas nauuwi sa bingit ng kamatayan. Tila umuusbong na naman ngayon sa media ang mga usapin ukol sa paksang ito samakatuwid ay napapanahon pa rin pala ang pelikulang ito kahit lumipas na ang ilang taon nananatili pa rin itong may kaugnayan o nauugnay sa lipunang ito.